503 total views
Nanindigan ang Archdiocese of Manila (RCAM) Ministry on Ecology sa pagtutol laban sa komersyalisasyon ng Golden Rice.
Ayon kay Lou Arsenio – Program Coordinator ng RCAM Ministry on Ecology, banta sa ‘food security’ ang pagsusulong ng Golden Rice dahil nagbibigay daan ito sa mga malalaking korporasyon na pamahalaan ang suplay ng pagkain.
“I am doing this not only as coordinator of the Archdiocese of Manila Ministry on Ecology, pero I am doing this because I am a Filipino and I fear much of our environment our biodiversity and the health of the people, kasi healthy ecosystem, health citizenry so yun yung ating campaign,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Arsenio.
Alinsunod sa pahayag ni Pope Emeritus Benedict XVI noong 2008, iginiit ni Arsenio na kasalanan ang pag-eksperimento sa mga likha ng Panginoon katulad ng patuloy na pagbabago ng ilang siyentipiko sa Deoxyribonucleic Acid (DNA) ng mga pananim.
“We are joining the call, the international call, at hindi lang naman tayo, marami paring dioceses lalu na yung mga nag-sustainable agriculture kasi dapat protektahan natin, dapat ipalaganap natin ang Food Safety and Security,” panawagan pa ni Arsenio sa bawat mananampalataya.
Ang mensahe ay sa paggunita tuwing August 08 ng “International Day of Action Against Golden Rice” na inisyitabo ng Stop Golden Rice Network (SGN).
Sama-sama ring panawagan sa pamahalaan ng farmers group ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng agrikultura upang matiyak na sapat ang suplay na pagkain ng Pilipinas. Nananawagan ang SGN kasama ang Bantay Bigas at Amihan Women’s Peasant group sa pamahalaan na tuluyang iwaksi ang pagsusulong Golden Rice.
Ang Golden Rice ay ang imbensyon ng German Scientist na si Ingo Potrykus na layuning tugunan ang kagutuman at mapakain ang milyon-milyong mga tao sa buong mundo.
Sa kabila nito, natuklasan sa mga pag-aaral ng International Rice Research Institute (I-R-R-I) na lubhang napakababa ng mga bitaminang nakapaloob sa bagong uri ng bigas kumpara sa pangkaraniwang bigas na pangunahing kinokunsumo ng mga Pilipino.