39,844 total views
Mahigit P4.7-milyong piso na tulong ang ibinahagi ng Caritas Manila sa 2 Diyosesis na napinsala ng magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon.
Ito ay matapos muling magpadala ng P2.5 milyong piso na tulong pinansiyal ang social arm ng Archdiocese of Manila para sa Diocese of Bangued sa Abra at Archdiocese of Nueva Segovia sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Unang nagpadala ang Caritas Manila ng mahigit sa P2.29-milyong pisong halaga ng mga non-food items na agad inihatid sa dalawang Diyosesis matapos ang naganap na paglindol sa tulong ng Radyo Veritas 846.
Read Story: 2 truckloads na tulong, ipapamahagi ng Caritas Manila sa Northern Luzon quake victims
Nagpapasalamat naman ang mga lider ng 2 Diyosesis na labis na napinsala ng lindol sa maagap na pagtugon ng Caritas Manila.
“Una sa lahat pasasalamat lalo na sa Caritas Manila. Ito yung unang damdamin ko pasasalamat sa pakikiisa nyo sa amin. Talaga po itong nararanasan namin ngunit ito ay hindi inaasahan ang pagdating ninyo ay pagpapatunay sa sinasabi ng Santo Papa na nagkakaisa tayong naglalakbay, kapanalig, mga kalakbay sa buhay maraming salamat po” mensahe ni Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian sa tulong ng Caritas Manila.
“Fr. Anton [Pascual] thank you! you called us after the earthquake at tinanong kung ano ang pwedeng maitulong ninyo at alam namin na nandiyan kayo na handang tumulong nagpapasalamat kami through Caritas [Manila], ito ulit ang appeal namin sana tuloy pa din ang tulong ninyo para sa aming mga Kaparian” mensahe naman ng Arsobispo ng Nueva Caceres Archdiocese na si Archbishop Marlo Peralta.
Hinimok din ni Arhbishop Peralta ang mga mananampalataya na patuloy na magpamalas ng pagtutulungan lalo na sa mga ganitong uri ng pagsubok.
Sinabi ng Arsobispo na ang pagtulong ay hindi lamang nasusukat sa laki ng kakayanan ng tumutulong kundi mas higit sa pamamagitan ng kagustuhan nito na makatulong.
“yung Christian responsibility natin ay magtulungan talaga ngayon sa pagtutulungan hindi lang sana yung may kaya, kailangan din maski yun mga tao na kahit sabihin nila na medyo hirap din ang buhay nila mas mahalaga pa ang tulong nila kung ang kapwa mahirap tumutulong sa kapwa mahirap ito ang mahalagang tulong sa mata ng Diyos.” Dagdag pa ni Archbishop Peralta.
Batay sa datos umabot sa mahigit P1.8 bilyong piso ang halaga ng pinsala ng naganap na lindol sa mga lalawigan sa Luzon habang umabot na sa 11 ang nasawi at nasa mahigit 600 ang nasugatan.