1,395 total views
Kapanalig, dumarami ang mga Pilipinong kumukuha ng mga teknikal at bokasyonal na kurso. Para kasi sa marami, may dalang pag-asa ang mga technical courses. Nagbubukas ito ng maraming oportunidad para sa mga mamamayang hindi kayang matustusan ang pag-aaral ng kolehiyo.
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies nitong Marso 2016, ang pangunahing kliyente ng mga technical at vocational education and training ay mga high school graduates (50%) ngunit marami rin ang college undergraduates (19%) at college graduates (13%). Meron ding mga high school undergraduates (7%).
Ayon naman sa Impact Evaluation Study of TVET Programs ng TESDA noong 2013, 45% ng mga kumukuha ng bokasyonal na kurso ay nag-enroll para makakuha ng trabaho, habang 38% naman ay nagnanais na makakakuha ng bagong kasanayan o skills. May 7% na nagsabi na nais nila ma-upgrade ang kanilang kasanayan.
Sa simpleng datos na ito, kapanalig, makikita natin ang pagnanais ng mga kabataang Pilipino na makapagpatuloy mag-aaral, kahit na bokasyonal na kurso lamang, upang mabilis silang makahanap ng trabaho. Maraming mga out-of-school youth, kung bibigyan lamang ng access at pagkakataon na makakuha ng teknikal na kurso, ay magkakaroon ng sigla at bagong direksyon sa buhay.
Kaya’t isang mainam na stratehiya ang pagpapalawig ng mga technical at vocational courses sa barangay level. Inuumpisahan na ito ng TESDA, ngunit kailangan pa itong patatagin. Ang mga local government units (LGUs) ay dapat manguna sa pagpapalawig ng mga kurso na ito. Ang pagkaroon ng lahat ng mga barangay ng mga regular at libreng technical courses para sa kanilang mamamayan ay magdudulot ng sanga-sangang ganansya para sa pamilya at pamayanan. Isa rin itong positibong stratehiya laban sa droga.
Ang pagbibigay oportunidad sa mamamayan ay pagkilala sa kanilang dignidad. Ito ay nagbibigay halaga sa kanyang pagkatao at sa kanyang ambag bilang bahagi ng lipunan. Ang Octogesima Adveniens, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ay nagpapa-alala sa atin na ang layon ng lahat ng institusyong panlipunan ay ang tao. Lahat ng mamamayan ay dapat mabigyan ng trabaho at ng pagkakataon na mapa-unlad ang kanilang mga kasanayan at pagkatao. Ang pagpapalawig, kapanalig, ng mga teknikal na kurso sa mga barangay, lalo na sa mga pinakamaralita, ay pagsasabuhay ng tagubilin hindi lamang ng Catholic Social Teachings, ngunit ni Kristo mismo. Ito ay ‘love in action’ dahil binibigyan natin ng pagkakataon ang lahat na maabot ang kaganapan ng kanilang pagkatao.