421 total views
Nananawagan ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) at Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga manggagawa lalo na ang mga kabataan.
Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa mga suliranin sa ekonomiya ng dulot ng pandemya.
Tiniyak ni Rochelle Porras – EILER Executive Director na sa tulong ng mga Labor Ministries ng simbahang katolika ay magkakaroon ang mga manggagawa ng kaagapay.
Tungkulin ng labor Ministries ng Simbahan na iparating ang mga apela at hinaing ng mga mangggagawa na itaas ang antas at may digdinidad ang kanilang pamumuhay.
“In the absence of any concrete labor programs from the government to address the crisis, we hope that the workers, in solidarity with the Church, through its labor ministry, and other rights advocates find their united voice to propose and campaign for better normal,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Porras sa Radio Veritas.
Sinabi naman ni Kej Andres – pangulo ng SCMP na mahalagang hakbang ang pagsasagawa ng pamahalaan ng mga inisyatibo na tutulungan ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSME) na makabangon upang mapadami ang oportunidad ng trabaho sa bansa.
“Ang panalangin namin ay hindi lang trabaho para sa mga walang trabaho, bagkos trabahong regular, desente, may 1,000 family living wage, ligtas na mga espasyo sa pagtatrabaho, at may karampatang benepisyo, hiling namin sa pamahalaan na suportahan ang micro, small and medium enterprises, isulong ang pambansang industriyalisasyon, at tulungan ang mga magsasaka upang makapagparami ng trabaho at makatayo sa sariling paa ang Pilipinas,” mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Naunang naitala ng United Nations simula Enero hanggang Hulyo 2022 na umabot sa 73-milyong kabataang nasa edad 15 hanggang 24-taong gulang ang walang trabaho sa buong mundo.
Naitala din ng Philippine Statistics Authority na umabot sa 2.99-milyon ang unemployment rate sa Pilipinas noong Hunyo 2022.
Patuloy namang isinusulong ni Father Eric Adoviso – Minister ng Manila Archdiocesan Ministry on Labor Concerns ang iisang national minimum wage dahil sa patuloy na pag-taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.