604 total views
Iginiit ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalagang isaalang-alang ang pagkakaroon nang maayos na komunikasyon at pakikipag-ugnayan sa pagtulong sa higit na nangangailangan.
Ito ang mungkahi ni NASSA/Caritas Philippines National Director at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, sa mga organisasyon, diyosesis at mga parokya sa pagkalap ng mga donasyon bilang bahagi ng pagtulong sa kapwa lalo na tuwing panahon ng sakuna.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa pamamagitan nito, napapanatili ang maayos na proseso sa pagtanggap at pamamahagi ng donasyon at naiiwasang masayang ang mga relief goods dahil kahit hindi panahon ng sakuna ay pinapamahagi pa rin ito sa mga nangangailangan ng tulong.
“This way, we are always able to appropriate the relief goods properly according to the needs and number of the affected communities, instill proper management of resources, and ultimately, accountability to our donors and the general public,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi naman ni Bishop Bagaforo ang kahalagahan ng food banking sa pagtugon sa kagutuman at pangangailangan ng bawat mamamayan lalo na nitong kasagsagan ng coronavirus pandemic.
Ayon sa Obispo, ang konsepto ng food banking ay hindi lamang tungkol sa pag-iimbak ng mga relief goods kun’di pagbibigay rin ng kabuhayan at pagkakakitaan sa mga tao.
Ito ang batayan ng Caritas Philippines sa paglulunsad ng Caritas Kindness Station sa bawat diyosesis at parokya upang tugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mamamayan lalo na ng mga nasa mahihirap na komunidad.
“While providing immediate food relief, we are able to help local farmers, fishermen, small entrepreneurs, and grow local economy. Plus, we limit the farmer-middle trader interaction,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Caritas Kindness Station ay inilunsad ng social arm ng simbahan noong 2020 bilang COVID-19 response na layong maibsan ang nararanasang krisis ng bawat mamamayan.