722 total views
Kung ano ang kaya nila, magagawa rin natin.
Ito ang pahayag ni Lia Torres, Co-Convener ng Panatang Luntian hinggil sa mahalagang tungkulin ng mga environmental defenders sa pagtatanggol sa kalikasan at mga katutubong mamamayan.
Ayon kay Torres, Executive Director ng Center for Environmental Concerns-Philippines, dapat ituring na makabagong bayani ang mga environmental defender dahil sa pagbubuwis ng buhay upang ipaglaban ang karapatan ng kalikasan at mga apektadong katutubo.
“Environmental defenders are ordinary people just like us whose lives are linked with the land and the environment. What they can do, we can do as well. Environmental defenders must become the rule–not the exception,” pahayag ni Torres.
Kaugnay nito, inaanyayahan naman ang bawat mamamayan na makiisa sa ilulunsad na programa ng Kalikasan Peoples Network for the Environment upang suportahan ang layuning pangalagaan ang mga likas na yaman ng bansa laban sa mga mapagsamantala.
Ito ay ang Panatang Luntian Forest Festival na gaganapin sa Setyembre 4, 2022 sa Arroceros Forest Park.
Para makapagpatala, bisitahin lamang ang facebook page ng Kalikasan PNE para sa karagdagang impormasyon.
Batay sa Global Witness report, umabot sa 29 ang kabuuang bilang ng mga napaslang na land and environmental defenders sa bansa noong 2020.
Dahil dito, pinangalanan ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa para sa mga tagapagtanggol ng lupain at kalikasan sa Asya sa loob ng walong magkakasunod na taon.
Magugunitang nagpahayag ng kalungkutan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si’ dahil sa labis na pagpapahirap sa mga katutubong nangangalaga sa kalikasan.
Hamon naman ng Santo Papa sa mamamayan at mga may katungkulan sa pamahalaan na ipagtanggol at pigilan ang ganitong pagtrato sa mga environmental defenders at sa mga katutubo.