276 total views
Ang All Saints day at All Souls day ay dalawang araw na itinakda ng Simbahan para sa mga pumanaw.
Ang All Saints Day o ang Todos Los Santos ay para sa mga pumanaw na banal – maging ang mga yumaong pinaniniwalaang natin na nasa langit at kasama na ng Panginoon na ating ipinagbubunyi at tayo ay nananalangin sa kanila.
Ito ang paliwanag ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa pagkakaiba ng dalawang araw na ipinagdiriwang ng simbahan-All Saints Day at ang All Souls Day.
Habang ang All Souls Day o Undas ay para naman sa mga kaluluwa na hindi pa nakakarating sa langit -kaya kailangan nating tulungan sila sa panalangin para makarating sa kaluwalhatian.
“Ang mga Santo ay nasa piling na ng Diyos kaya nagdarasal tayo sa kanila, ang mga espiritu ay wala pa sa kaharian ng Diyos kaya ipinagdarasal natin sila,” paliwanag ni Cruz.
Nilinaw naman ni Cruz na maari namang ipagdasal ang mga yumao maging sa Simbahan o sa sementeryo bagamat isang magandang tradisyon na ng mga tao na magtungo sa libingan sa parehong araw na itinakda ng Simbahan.
‘Kahit saan maari tayong magdasal kapag All Saints Day at All Souls Day. Pero naging ugali lang natin na magtungo sa sementeryo pero kahit saan maari tayong magdasal para sa kanila. Pero maganda ang naging tradisyon na nagtutungo tayo sa sementeryo,” paliwanag ni Cruz.
Sudden Death
“Kapag ganyan ang inisip natin sa mundo ng teolohiya o mundo ng Panginoon, wala pong sudden o on time death- kundi ang lahat ay according to providence. Sa atin lang may sudden death kasi naaksidente o may nangyaring di inaasahan. Pero sa Panginoon, pagkalalang pa lamang ay alam na niya (Diyos) kung kailan ito mamamatay at kung bakit. Hindi naman mahirap unawain iyo sa parte ng Diyos dahil alam niya ang lahat, because for God there is no future and there is no past but always present,” ayon pa kay Cruz.
Dagdag pa ng arsobispo, mahalagang maipanalangin ang mga namayapa upang matulungan sila na ihingi ng kapatawaran sa mga kasalanan at sila ay mabasbasan nang sa ganun ay makarating sa langit. Hindi man bigla ay unti-unti na magpagdusahan ang mga nagawa at makarating sa kaluwalhatian ng Panginoon.
Pagsusuot ng nakakatakot tuwing Halloween
Nilinaw naman ni Archbishop Cruz na hindi totoo at hindi sang-ayon sa kahulugan ng All Saints Day ang umiiral na pagsusuot ng nakakatakot tuwing Halloween o All Hallows Eve -ang bisperas ng All Saints Day.
“Ang patay ay hindi para manakot, ang nananakot sa atin ay sarili natin. Tayo ang gumagawa ng multo natin. Tayo ang nanakot sa ating sarili,” paliwanag ng arsobispo.
Una na ring nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na sa halip na ipagdiwang ng nakakatakot ang Halloween ay hinihikayat ang lahat na magbihis na kawangis ng mga Santo na namuhay sa mundo ng kalugod-lugod sa Diyos at dalisay na maaring tularan lalu na ng mga kabataan.
Sa kasaysayan, pinasimulan ang pagdiriwang ng All Saints Day at All Souls Day ng noo’y si Pope Boniface IV noong 609 AD, at ito ay isinasagawa sa buwan ng Mayo.
Subalit noong 8th century sa panahon ni Pope Gregory III ay inilipat ang pagdiriwang sa Nov. 1 bilang pagpupugay sa mga Santo at mga reikya. Idineklara naman ito bilang holy day of obligation-ang November 1 sa kautusan ni Pope Gregory IV at King Louis the Pious.
Tunghayan ang mga kwentong misteryo at kababalaghan at mga kaugaliang Pilipino tuwing sasapit ang Undas sa “Dalangin at Ala-ala”, a two-day special programming ng Veritas 846 Radyo Totoo mula November 1 hanggang November 2, 2016. Maaari rin itong mapanood ng live sa www.veritas846.ph.