694 total views
Umaasa ang Kanyang Kabanalan Francisco na manaig ang seryosong dayalogo sa Nicaragua upang mawakasan ang sigalot sa lugar.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa lumalalang tensyon sa bansa kasunod ng paghihigpit ng Nicaraguan government laban sa Simbahan.
Kamakailan ay biktima ng karahasan ang ilang sektor sa Nicaragua kabilang na ang Simbahang Katolika dahil sa alegasyong paglaban sa gobyerno.
“I am following closely, with concern and sorrow, the situation in Nicaragua, which involves both people and institutions, I would like to express my conviction and my hope that, through open and sincere dialogue, the basis for a respectful and peaceful coexistence can still be found,” ayon sa pahayag ni Pope Francis.
Nabahala si Pope Francis sa sunod-sunod na pagsara ng mga Catholic broadcasting stations sa Nicaragua, pagpatigil sa mga gawaing kawanggawa ng iba’t ibang Non-Government Organizations, pagpaalis sa Congregation of the Sisters of Mother Teresa, pagpapaliban sa mga ecclesiastical activities at ang pagtanggal at house arrest kay Diocese of Matagalpa Bishop Rolando Álvarez kasama ang ilang mga pari.
Bukod kay Pope Francis umapela na rin ang international community sa pangunguna ng United Nation sa administrasyong Ortega ng Nicaragua na isulong ang kapayapaan sa pamayanan at igalang ang karapatang ng bawat nasasakupang mamamayan.
Panalangin ni Pope Francis na sa tulong ng Mahal na Birheng Immaculada ‘Purisima’ ay makamtan ang kapayapaan sa Nicaragua at sa buong daigdig.
“Let us ask the Lord, through the intercession of the Most Pure, to inspire such a concrete will in the hearts of all,” ani ng Santo Papa.