344 total views
Nananawagan ang Malacanang sa publiko na manatiling disiplinado at sumunod sa lahat ng mga panuntunan ng mga otoridad upang maging malinis, maayos, mapayapa at makabuluhan ang paggunita ng Undas sa ating bansa.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, kakailanganin ng mga otoridad ang aktibong pakikiisa ng taumbayan upang maging maayos at crime free ang Undas ngayong taon.
Dahil dito, iginiit ng Kalihim ang paggalang sa layuning ng Undas na pag-alala sa mga kaluluwa ng mga namayapa sa pamamagitan pagtitirik ng kandila at pag-aalay ng panalangin at hindi pagdadala ng mga alak, baraha, loud speakers at mga armas na maaring makapanakit.
“As we remember our departed loved ones, we ask everyone to observe the solemnity of the occasion. Let us not bring bladed tools, liquors, loud speakers, and even gaming cards and see to it that cemeteries before, during, and after the observance of Undas are clean, orderly, and crime-free,” ang bahagi ng pahayag ni PCO Secretary Andanar
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Malacanang ang mahigpit na seguridad na inihanda ng Philippine National Police katuwang ang Armed Forces of the Philippines at ilang pang sangay sa pamahalaan upang tiyakin ang kalitasan at kaayusan sa lahat ng mga pangunahing lugar tuwing Undas kabilang na ang mga bus terminals, pantalan, paliparan at mga sementeryong inaasahang dadagsain ng mga mamamayan.
Batay sa tala, tinatayang nasa 10,000 mga pulis ang itinalaga ng PNP para sa Oplan Kaluluwa 2016 na magtatagal hanggang sa ika-2 araw ng Nobyembre kung saan nagtalaga rin ng nasa 3,000 tauhan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa buong Metro Manila.
Bukod dito, nakaalerto na rin aniya ang ilang “explosive ordinance disposal (EOD) experts” upang agad na tumugon kung magkaroon man ng insidente ng karahasan o pag-atake sa anumang bahagi ng bansa.
Samantala, bukod sa taimtim na pananalangin para sa kaluluwa ng mga namayapa ay nanawagan rin ng disiplina ang Simbahang Katolika upang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa mga sementeryo at himlayan sa bung bansa na isang paraan upang tunay na bigyang respeto at paggalang ang mga namayapa.