27,801 total views
Patuloy na nakaantabay ang social arm ng simbahan sa Northern Luzon sa posibleng epekto ng Tropical Storm Florita.
Sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Veritas 846 sa mga kinatawan ng Archdiocese of Tuguegarao sa Cagayan at Diocese of Ilagan sa Isabela, nanatili ang paghagupit ng bagyo sa kanilang mga lalawigan.
Ayon kay Mo. Camille Marasigan FDSP, malakas at panay ang pag-ulan sa Isabela kaya’t ilan sa mga kalsada at tulay ang hindi na madaanan dahil sa pagtaas ng tubig.
“Malakas ang ulan at lumakas ang hangin, non passable na ang mga overflowing bridges na iba’t-ibang area ng Isabela, canceled na din ang pasok ng paaralan at eskwela [dito]”. Bahagi ng mensahe ni Mo. Camille sa Radyo Veritas.
May 35-pamilya naman ang nagsilikas sa Taytay Bantay Cagayan ayon kay Fr. Gerry Perez ng Archdiocese of Tuguegarao.
Hiling naman ni Fr. Hugo Jose Aggabao ang panalangin para sa kaligtasan ng mamamayan lalo’t inaasahan ang paglandfall sa bayan sa Peñablanca, Cagayan ng bagyong Florita.
“We are hoping and praying na maging safe ang aming mga Parishioners,” apela ni Fr. Aggabao.
Sa huling tala ng PAGASA, nag-landfall na ang bagyong Florita sa Maconacon, Isabela at patuloy na binabagtas ang direksyon pa hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Storm Signal Number 3 sa ilang bahagi ng Isabela at Cagayan habang nasa Storm Signal number 2 at Storm Signal Number 1 ang ilan pang mga probinsya sa Northern at Central Luzon.