484 total views
Bigyan nang tuon at pagpapahalaga ang mga healthcare workers sa Pilipinas.
Ito ang panawagan ni United Kingdom-based Filipina nurse May Parsons sa mga hamong kinakaharap ng mga healthcare workers sa bansa.
Ayon kay Parsons, mas pinipiling maghanapbuhay ng mga nurse sa ibang bansa sa halip na manatili dito sa Pilipinas dahil sa hindi sapat na suweldo at hindi magandang pakikitungo.
“Hindi naman po sila (nurses) naghahanap ng kung anong klaseng sahod ang meron pero dapat po ‘yung sapat. Hindi po natin sila masisisi kung aalis sila [ng Pilipinas] kasi hindi po nagbabago ang buhay nila because it’s just gets worse,” pahayag ni Parsons sa ginanap na press conference sa University of Santo Tomas.
Sinabi ng Filipina nurse na napakalaking tulong ng mga healthcare workers tulad ng mga nurse sa pagkakaroon nang maayos na sistema ng kalusugan lalo na sa nagdaang novel coronavirus pandemic.
“My request is kung gusto n’yo po silang mag-stay dito, be fair. Hindi naman po kami naghahanap ng pa-special na trato. Ang kailangan lang po namin is fairness and equity,” giit ni Parsons.
Tiniyak din ni Parsons na mananatili siyang tinig ng mga healthcare workers sa bansa upang maipabatid sa pamahalaan ang kanilang mga karapatan bilang mga tagapaglingkod at tagapaghatid ng lunas sa bayan.
Nagtapos ng Nursing degree sa UST si Parsons noong 2000 at nagtrabaho sa UST Hospital hanggang 2003 bago magtungo sa ibang bansa at maging bahagi ng National Health Service ng United Kingdom.
Si Parsons ang nangasiwa sa kauna-unahang coronavirus vaccination sa buong mundo at nakatanggap ng George Cross Award mula kay Queen Elizabeth II at Prince Charles sa Windsor Castle-ang pinakamataas na civilian award para sa katapangan at kagitingan sa Britanya.