421 total views
Tiniyak ni Fr. Dan Cancino, MI na hindi kailangang mangamba ang publiko hinggil sa patuloy na paglabas ng iba’t-ibang karamdaman sa lipunan.
Ayon kay Fr. Cancino, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care na mahalaga ang pagiging kalmado lalo’t higit ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman upang mapangalagaan ang sarili at maiwasang magkaroon ng anumang sakit.
Kaugnay ito sa huling ulat ng Department of Health na umabot na sa apat ang naitatalang kaso ng monkeypox virus sa bansa sa kabila ng patuloy na pag-iral ng coronavirus pandemic.
“Tanggapin natin na ang monkey pox ay totoo. Ito ay nangyayari sa buong mundo at nangyayari din dito sa ating bansa. May mga kaso pero hindi kailangang maging aligaga o maalarma nang napakataas dahil ang mga kaso ng monkeypox dito sa ating bansa ngayon ay kontrolado ng ating Department of Health,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok ng opisyal ng CBCP na kailangang paigtingin ng pamahalaan ang pagsusulong sa information dissemination upang matulungan ang publiko na magkaroon ng karagdagang kaalaman hinggil sa mga epekto at sintomas ng monkeypox.
Karaniwang sintomas nito ang lagnat, panghihina ng katawan, pagkahilo, namamagang kulani, at mga rashes sa mukha, dibdib, paa, kamay, at maging sa maselang bahagi ng katawan.
Paalala naman ni Fr. Cancino na mahalagang panatilihin ang minimum public health standards tulad ng pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing dahil ang monkeypox ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing, at skin-to-skin contact.
“Kung mayroon tayong mga sintomas o senyales ng monkeypox, komunsulta kaagad sa doktor o kaya nama’y mas maganda sa public health facility para mas mapagtuunan at mabigyan ng tugon,” ayon kay Fr. Cancino.
Naiulat ang kauna-unahang kaso ng monkeypox virus sa Pilipinas noong Hulyo 28 at nito namang Agosto 25 ang ikaapat at kasalukuyang huling kaso ng virus mula sa isang 25-taong gulang na pasyenteng walang anumang travel history sa mga bansang mayroong monkeypox outbreak.
Ang Monkeypox ay isang rare infection na unang nakita sa mga bahagi ng West at Central Africa na itinuturing nang “global health emergency” ng World Health Organization.