895 total views
Nagagalak ang pamunuan ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Muntinlupa City sa pagkilala ng iginawad ng Vatican.
Ayon kay Fr. Jonathan Cadiz, rector at parish priest ng dambana, ito ay pagkilala sa malalim ng debosyon ng mananampalataya sa Mahal na Birheng Maria.
Ito ay kaugnay sa paggawad ng special bond of spiritual affinity sa Papal Basilica of St. Mary Major sa Roma at ang Canonical Coronation sa imahe ng Nuestra Señora delos Desamparados.
“Kami ay natutuwa sapagkat ito ay malaking blessing na ipinagkaloob sa aming parokya ang Canonical Coronation at ang special bond of spiritual affinity; ito ay pagkilala sa debosyon sa Mahal na Inang Mapag-ampon sa aming parokya,” pahayag ni Fr. Cadiz sa panayam ng Radio Veritas.
Natanggap ng dambana ang kalatas nitong August 23 mula sa Apostolic Penitentiary ng Vatican at Papal Basilica.
Umaasa si Fr. Cadiz na gawing makabuluhan ng mananampalataya lalo na ang humigit kumulang 70, 000 nasasakupan ng parokya ang pagkakataon na matanggap ang biyaya at higit mapalapit sa Panginoon.
“Sana ito ay maging makabuluhang pagdiriwang sa lahat para mas mapalalim pa ang debosyon ng mga tao sa Mahal na Ina at maging daan para sa mapalapit ang mamamayan sa Diyos,” ani Fr. Cadiz.
Nasasaad sa kalatas ng Apostolic Penitentiary na makatatanggap ng kaparehong pribilehiyo ng Papal Basilica ang sinumang magsasagawa ng pilgrimage sa dambana.
Kabilang dito ang plenary indulgence na ayon sa pari ay matatanggap kung mangungumpisal, tatanggap ng komunyon at pag-aalay ng panalangin sa natatanging intensyon ng Santo Papa.
Binigyang diin ni Fr. Cadiz na isa rin itong hamon sa bawat mananampalataya na patuloy makiisa sa misyong pagpapalaganap ng kristiyanismo bunga ng 500 Years of Christianity.
“Bahagi rin ito ng misyon ng parokya at ng mga deboto ng Mahal na Inang Mapag-ampon na mapalalim ang kaalaman sa pananampalataya at maging daan na maipalaganap sa ibang tao upang marami ang mapalapit sa Diyos,” giit ng pari.
Inaanyayahan ni Fr. Cadiz ang mananampalataya na bumisita sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Abandoned sa Poblacion Muntinlupa City at makiisa sa kagalakan.
Itinakda sa May 12, 2023 ang canonical coronation sa Nuestra Seño delos Desamparados at opisyal na deklarasyon ng special bond of spiritual affinity bilang tampok na gawain sa ika – 160 kapistahan ng parokya.