589 total views
Kinatigan ng Philippine Nurses Association (PNA) ang panawagan ni United Kingdom-based Filipina nurse at George Cross Awardee May Parsons na tugunan ang pangangailangan ng sektor ng mga nurses sa Pilipinas.
Ayon kay Melvin Miranda – Pangulo ng PNA, bagamat nagkakaroon ng sapat na sahod at benepisyo ang mga nurses sa mga pampublikong pagamutan ay nakakalimutan ng pamahalaan ang mga nurse na nasa mga pampribadong pagamutan na dahilan ng kanilang pangingibang bansa.
“Concern talaga natin itong discrepancy between the govt, healthcare institution at saka sa private healthcare institution, isa narin yan kung saan sa govt healthcare institution sa ating entry level salary according sa batas ay salary grade 15, so ang napag-iiwanan naman natin yung mga nasa private healthcare institution na walang pamantayan kung ano talaga ang maiko-consider for the entry level,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Miranda.
Tinukoy ng grupo ang kakulangan ng pagkakaroon ng ‘salary grade’ para sa mga nasa private hospital kaya’t walang sinusunod na batas kung magkano ang dapat na suweldo ng mga nurse.
Umaasa si Miranda na magsulong ng mga batas ang pamahalaan na ipapantay ang suweldo ng parehong mga nasa pribado at pampublikong pagamutan matapos ipakita ng pandemya ang kahalagahan ng mga nurse at iba pang health care workers.
“Maisasakatuparan natin through the enacted na law ay somehow mayroon itong impact sa ating mga nurses na mag-stay in the country and at the same time tayo naman ay makikipag tulungan sa gobyerno kung paaano naman natin maayos yung sahod sa mga nurses natin in the coming months,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Miranda.
Ayon sa datos ng Department of Labor and Employment, para sa mga nurse na nasa pampublikong pagamutan ay nagsisimula sa entry level o suweldo na 13-libong piso, at aabot ng 85-libong piso habang tumatagal ang taon at higit na nalilinang ang kanilang kakahayan.
Ang entry level sa mga pribadong pagamutan ay aabot lamang sa 10-libong piso.
Patuloy naman ang pananalangin para sa ikabubuti at pagkilala ng simbahang katolika sa mga nurses at iba pang health care workers higit na ngayong panahon ng pandemya.