738 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang mga magsasaka ng sibuyas sa Bongabon Nueva Ecija na limitahan lamang ang pag-angkat ng imported na puting sibuyas.
Pinangangambahan ni Luchie Cena, Manager ng Valiant Cooperative ng mga Onion farmers ng Bongabon Nueva Ecija na pabababain ng malawakang pagtanggap ng imported na puting sibuyas ang halaga sa merkado ng mga lokal na pulang sibuyas.
“Pakiusap lang naman sa Department of Agriculture o Bureau of Plant Industry, kung mag-iimport po ay siguraduhin yung volume na pangangailangan lang ng puti, kasi ang pangangailangan po ng puti ay hindi kasing dami ng pangangailangan ng pula,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Cena.
Ito ang pakiusap ng Onion farmers sa plano ng D-A na mag-angkat ng imported na puting sibuyas upang matugunan ang kakulangan ng suplay sa merkado.
Tiniyak naman ni Cena na sapat ang suplay ng pulang sibuyas na pangunahing produkto ng Bongabon Nueve Ecija na kilala bilang Sibuyas Capital of the Philippines.
Ang Valiant Coop ay mayroong mahigit 300 miyembro na mga magsasaka ng sibuyas sa Region-3 kung nasaan ang mahigit 13-libong ektarya na sakahan ng sibuyas.
Batay sa datos ng Department of Agriculture sa mga pamilihan sa Metro Manila, bagamat walang mabilhan ng puting sibuyas ay aabot sa 120 hanggang 140-piso ang presyo kada kilo ng pulang sibuyas.
Unang nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na tulungan ang sektor ng agrikultura upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng pagkain ang bawat mamamayan.