515 total views
Nagsisilbing daluyan ng pagmamahal at pagkalinga ng Diyos sa sangkatauhan ang kalikasan.
Ito ang mensahe ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo sa kanyang Pastoral Letter para sa nalalapit na pagdiriwang sa Season of Creation.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Office on Stewardship na ang panahon ng paglikha ay panawagan sa bawat mananampalataya upang panibaguhin ang mga tungkulin bilang mabubuting katiwala na mangangalaga sa inang kalikasan.
“Ito ay gawa ng ating Diyos Ama. At ito ay napakaganda na pati ang Diyos ay nagandahan sa kanyang nilikha. Ipinagkatiwala ng Ama sa ating pangangalaga ang magandang sangnilikha. Dahil dito nilikha niya tayong kawangis niya sa mundo, kalarawan niya sa pangangalaga nito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Sinabi ng opisyal ng CBCP na mahalagang pagyamanin at panatilihin ang mga likas na yamang likha ng Diyos para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod pang henerasyon.
Hinihikayat naman ni Bishop Pabillo ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga mapaminsalang proyekto na higit na apektado ang kalikasan at kalauna’y magdudulot ng paghihirap sa mga tao.
“Magkaisa po tayong ipamana sa susunod na henerasyon ang isang mundong maganda at kaaya-aya ayon sa balak ng ating Diyos na Manlilikha. Kaya sikapin nating maging mga mabubuting katiwala ng kalikasan. Ito ay isang malaking karangalan at isang malaking pananagutan,” saad ni Bishop Pabillo.
Ang Season of Creation ay ipinagdiriwang mula unang araw ng Setyembre hanggang ikaapat ng Oktubre, kapistahan ni San Francisco de Asis, ang patron ng sangnilikha.