442 total views
Umaasa ang Kanyang Kabanalan Francisco na tuluyang mawakasan ang karahasan sa pagitan ng Ukraine at Russia na labis ang epekto sa mamamayan.
Tinukoy ng Santo Papa ang panganib sa sitwasyon ng Zaporizhzhia nuclear plant sa Ukraine na nakubkob ng Russia.
“I hope that concrete steps will be taken to end the war and avert the risk of a nuclear disaster in Zaporizhzhia,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Magugunitang noong Marso nakubkob ng Russian forces ang pinakamalaking nuclear plant sa Europa.
Iginiit ni Pope Francis na walang maidudulot ang digmaan kundi pagkakawatak-watak at pagkasira ng lipunan.
Inihayag ng Santo Papa na pawang mga inosenteng indibidwal ang nagdurusa sa karahasan at nanindigang pagkitil sa karapatang mabuhay at kawalang paggalang sa dignidad ng tao ang isinusulong ng mga naghahasik ng kasamaan.
“The innocent pay for the war! The innocent! Let’s think about this reality and let’s tell each other: war is madness. And those who profit from war and the arms trade are criminals who kill humanity,” ani ng santo papa.
Sa higit anim na buwang digmaang bunsod ng pananakop ng Russia sa Ukraine nasa 15, 000 katao na ang nasawi habang sampung milyon ang lumikas para sa kaligtasan.
Muling hiniling ni Pope Francis sa mamamayan sa buong mundo ang taus-pusong pananalangin para sa kapayapaan ng daigdig lalo na sa mga bansang may kaguluhan tulad ng Russia, Ukraine, Syria, Yemen, Myanmar at iba pang lugar.
“Let us think of Ukraine and Russia. Both countries are consecrated to the Immaculate Heart of Mary. May you, as a Mother, turn your gaze to these two beloved countries: see Ukraine, see Russia and bring us peace! We need peace!” sinabi ni Pope Francis.