372 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Ika-21ng Linggo ng Karaniwang Panahon, 25 Agosto 2022, Mt 24:42-51
“Inside job” ang tawag ng mga pulis sa kaso ng pagnanakaw na hindi taga-labas ang may kagagawan kundi taga-loob. Ganito ang ibinibigay na paliwanag ni San Pablo sa ating first reading tungkol sa hinihintay na muling pagdating ng Panginoong HesuKristo.
Hindi raw siya darating na para bang mahuhulog na lang nang biglaan mula sa langit. Sabi nga sa ating ebanghelyong binasa, darating siyang “tulad ng isang magnanakaw” na biglang nasa loob na pala at bubulaga sa katiwala ng bahay. Nariyan na pala pero hindi niya alam dahil hindi siya handa para sa pagdating ng Anak ng Tao. Bakit? INSIDE JOB nga kasi.
Pakinggan nating muli ang sinabi ni San Pablo sa unang pagbasa, “Sa inyong PAKIKIPAGKAISA KAY KRISTO, kayo’y umuunlad sa lahat ng paraan, maging sa pananalita at kaalaman. Ang katotohanang ipinangaral namin tungkol kay Kristo ay malinaw na NAKIKITA SA INYO, anupa’t hindi kayo nagkulang sa anumang kaloob na espiritwal, habang hinihintay ninyong MAHAYAG ANG ATING PANGINOONG HESUKRISTO. Kayo’y aalalayan niya hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan SA ARAW NG ATING PANGINOONG HESUKRISTO. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo UPANG KAYO’Y MAKIPAGKAISA SA KANYANG ANAK na si HesuKristong ating Panginoon.”
Ibig sabihin—ang Kristong hinihintay natin ay wala sa labas kundi nasa loob na natin dahil sa Espiritu Santong tinanggap natin sa binyag. Ito rin ang nililinaw ni San Pablo sa Romans 8: 19, “…hinihintay ng sangnilikha nang may pananabik ang paghahayag ng mga anak ng Diyos.” At sa v. 29, sabi pa nya, “Itinalaga ng Diyos na matulad tayo sa anyo ng kanyang Anak…”
Gayundin ang sinasabi niya sa paliwanag niya tungkol sa ating pakikibahagi sa muling pagkabuhay ni Kristo, ang sabi niya sa 1 Cor. 15:49, “Kung paanong tayo’y katulad ng taong nagmula sa lupa (ang unang Adan), darating ang araw na matutulad din tayo sa nanggaling sa langit (ang bagong Adan).”
Gamitin natin ang imahinasyon. Ang pagbabagong tinutukoy ni San Pablo ay magaganap sa atin na para bang isang MUTATION ng tao na unti-unting mangyayari hanggang sa tuluyang mahayag sa tao ang anyo ng Anak ng Diyos, si Kristo Hesus.
Kaya pala tayo tinawag na KATIWALA. Mga katiwala isang misteryong unti-unting nagaganap, ngunit mahahayag lang nang lubos sa takdang panahon. Ang Kristong hinihintay natin ay nasa atin na, nasa loob na, ngunit unti-unti lamang na makikita. Unti-unti niya tayong babaguhin upang ang mukha niya ang lumitaw sa atin.
Ibang klaseng INSIDE JOB ang tinutukoy ni San Pablo. Hindi ito tungkol sa isang krimen o pagnanakaw. Ito’y tungkol sa isang misteryong ipinagkatiwala sa atin. Ito ang misteryong nagbubuklod sa atin upang magkaisang puso at diwa, maging kabahagi ng buhay at misyon ng Anak ng Diyos na naging Anak ng Tao upang ang mga anak ng tao ay maging mga anak ng Diyos.