245 total views
Kapanalig, parami ng parami ang mga mamamayang Filipinong tumitira sa mga urban areas ng ating bansa. Ang pangyayaring ito ay laging trending sa atin. Ito ay dahil sa mga urban areas nakikita ng marami nating kababayan ang unang hakbang tungo sa kaunlaran.
Sa ngayon, base sa opisyal na datos, 54% na ng ating populasyon ang nakatira sa mga urban barangays. Siksikan na sa mga lugar na ito kapanalig. Kumpara sa rural barangays, napaka-konti ng ating mga urban barangays. Mga 7,957 lamang ang mga ito sa bansa, habang 34,089 naman ang mga rural barangays nitong 2020. Handa ba tayo sa pagdami pa ng mga tao sa ating mga urban areas?
Kung titingnan lamang ang sitwasyon ng ating mass transport sa mga siyudad, isang malakas na NO o HINDI ang sagot sa tanong na ito. Kung atin pang idagdag ang congestion hindi lamang sa kalye kundi sa mga kabahayan sa bansa, masasabi natin na putok na putok na sa dami ng tao ang mga pangunahing syudad ng bayan. Paano na tayo ngayon?
Kapanalig, we need to build smart and sustainable cities, lalo ngayong panahon ng climate change at digital technology. Ang panahon na ito ay oportunidad upang mas mabilis na makamtan ng mga bansang gaya ng Pilipinas ang pagkakaroon ng smart at sustainable cities – mga siyudad na inuuna ang kapakanan ng mga mamamayan. Ang mga smart at sustainable cities ay responsive sa pangunahing pangangailangan ng mga tao. Ginagamit nito ang teknolohiya at kapaligiran upang mas madaling maabot ng mga mamamayan ang kanilang mga pangarap at ambisyon. Pinapa-taas nito ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan at ginagawang ligtas ang lahat sa mga panganib na dala ng mga kalamidad.
Sa sitwasyon ng mga siyudad ng bansa ngayon, malayo pa tayo sa pagiging smart at sustainable. Ayon nga sa 2022 Digital Cities Index, kulelat ang ating Manila – 39.1 out of 100 ang score nito sa index, na malayo sa Asia Pacific average na 59.4. Sana kapanalig, ang resultang ito ay hindi magpahina sa loob ng ating mga kaugnay na kawani ng pamahalaan. Sana maging maging hamon ito sa kanila upang maisakatuparan na ang maayos na urban development sa ating mga siyudad. Kailangan na ng bayan ito, lalo’t tinatayang pagdating ng 2045, aabot na ng 142 million ang ating populasyon. Inaasahan na ang mga urbanized regions gaya ng CALABARZON, NCR, at Central Luzon ang mangunguna pa rin sa dami ng tao pagdating ng 2045.
Kapanalig, ang pagbibigay ng prayoridad sa kapakanan ng tao ng mga smart and sustainable cities ay echo o alingawngaw ng prinsipyo ng dignidad ng tao sa panlipunang turo ng Simbahan. Pinapakita nito, ayon nga sa Mater et Magistra, na ang “tao ang pundasyon, dahilan, at layunin ng lahat ng panlipunang institusyon.” Kaya’t sana, tunay at agaran nating makamtan ang pagiging smart at sustainable ng mga siyudad sa ating bansa.
Sumainyo ang Katotohanan.