637 total views
Inaanyayahan ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang bawat Katolikong paaralan at institusyon na makiisa sa 2022 CEAP National Convention na gaganapin sa SMX Convention Center sa Pasay City simula ika-25 hanggang ika-28 ng Oktubre 2022.
Ibinahagi ni Jose Allan Arelleno, Executive Director ng CEAP na umaabot na sa 2,500 ang mga delegadong nagpatala na dadalo sa pagtitipon.
Inaasahan ng CEAP na makadalo ang 3,200 delegado sa National Convention na mayroong temang ‘Pilgrims of Hope Moving Forward in Synodality’.
“Patuloy kaming nag-iimbita para sa aming mga kasama sa Catholic Education na dumalo sa first convention natin after the pandemic this is the first after 2-yrs or 3-yrs, sumama kayo sa amin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Arellano sa programang Barangay Simbayanan.
Sa apat na araw na pagtitipon, isasagawa ang mga programang nakatuon sa edukasyon, relasyon ng Simbahan sa mga Katolikong paaralan o institusyon at paglilinang sa pananampalataya ng mga mag-aaral.
Sa October 26, ikalawang araw ng pagtitipon ay pangungunahan ni Catholic Bishops Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education Chairman Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao ang Misa ganap na ala-una ng hapon.
Sa huling araw ay isasagawa din ang paggagawad ng parangal sa mga outgoing board member ng institusyon at oathtaking ng mga bagong halal na CEAP National board members.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na idadaaos ang pisikal na pagtitipon matapos ang dalawang taong pagkaantala ng gawain ng dahil sa banta ng pandemya.
Binubuo ang C-E-A-P ng mahigit 1,600-kasapi na mga katolikong paaralan at institusyon sa buong Pilipinas.