644 total views
Pinaalalahanan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya sa kahalagahan ng pagbabalik-handog bilang pasasalamat sa Diyos.
Ayon kay Office on Stewardship Chairperson at Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, ang pagbabalik-handog ay pasasalamat at pagkilala sa kanyang pagmamay-ari.
Mensahe ito ng Obispo sa pagdiriwang ng Stewardship Month sa Setyembre kung saan binigyang-diin ng opisyal ang pagbabalik-handog ng panahon, talento at materyal na kayamanan.
“Ang una sa lahat ay ang balik-handog ng panahon. Nagbibigay tayo ng panahon sa Diyos sa ating pagdarasal, sa ating pagsamba sa kanya sa Banal na Misa at sa pagbabasa ng Bibliya. Palaguin natin ang pananampalataya na bigay ng Diyos,” bahagi ng liham pastoral ni Bishop Pabillo.
Hinikayat din ng opisyal mananampalataya na magbalik handog ng mga talentong ipinagkaloob sa bawat isa sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba’t ibang apostolate services ng Simbahan.
“Kung ito ay gagawin ng lahat hindi tayo magkukulang ng mga taong maglilingkod sa Simbahan, at marami ang magagawa ng simbahan upang maglingkod sa mga nangangailangan,” ani Bishop Pabillo.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang itinakdang sukat ang Panginoon sa pagbabalik-handog kundi isang bukal sa kalooban at kabukasan ng puso.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ang pagiging mabuting katiwala ay bahagi ng pagpapakabanal dahil nagiging katuwang ng Diyos ang tao sa pagpapalago ng mga kaloob sa sangkatauhan.
“Nagiging daluyan tayo ng pangangalaga ng Diyos sa ating kapwa. Sa ating pagbabalik-handog nagiging generous tayo sa Diyos at sa kapwa at sa gayon nagiging mapagmahal,” saad ni Bishop Pabillo.