579 total views
Magiging higit na makahulugan ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon kung ito ay ibinabahagi sa kapwa.
Ito ang mensahe ni Cebu Archbishop Jose Palma sa kapistahan ni Sta. Rosa de Lima sa Daanbantayan Cebu.
Paliwanag ng arsobispo anumang biyaya na tinanggap mula sa Diyos ay dapat maibahagi sa pamayanan na siyang ninanais ng Panginoon.
“Unsa may gihatag ni Lord, dili lamang kini para nato. Kon ato kining mapaambit, mas nindot ang kahulogan sa gasa. The gift becomes truly a gift when shared,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Palma.
Pinangunahan ni Archbishop Palma ang pagdiriwang sa ika-164 na kapistahan ng parokya at pagtalaga bilang Archdiocesan Shrine, ang kauna-unahang dambana na itilaga kay Sta. Rosa de Lima sa Pilipinas.
Isinapubliko din ni Cebu Archdiocesan Chancellor Msgr. Renato Beltran ang kalatas na nagtalaga sa Daanbantayan Church bilang pang-arkidiyosesanong dambana.
Nakapaloob sa kalatas ang pagpahintulot ni Archbishop Palma sa plenary indulgence sa mananampalatayang bibisita sa dambana ni Sta. Rosa de Lima kaakibat ang pangungumpsal, pagtanggap ng komunyon, panalangin sa natatanging intensyon ng santo papa, pag-usal ng kredo, isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati sa Ama.
Tatanggap rin ng plenaryo indulhensya ang sinumang dadalaw sa kapistahan ng santa tuwing August 30 at sa Votive Masses sa karangalan ni Sta. Rosa de Lima tuwing Huwebes ng alas sais ng umaga.
Itinampok din sa misa ang pinakamatandang imahe ng santa at first class relic na handog ng Order of Discalced Augustinians (OAD) sa pamamagitan ni Fr. Dennis Ruiz mula sa Roma.