248 total views
Ito ang panawagan ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity matapos na ilabas ang 2015 Full Poverty Rate ng National Economic Development Authority (NEDA).
Batay sa datos ng NEDA, 21.6 percent o katumbas ng 21.9 milyong Pilipino na ang nasa below poverty line mula sa 101 milyong populasyon ng Pilipinas.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, kailangan hangarin ng pamahalaan na umabot sa “zero” ang poverty incidence sa bansa kung saan mapagkalooban ng hanap – buhay ang mga mahihirap at hindi lamang paasahin sa “dole out system” nang pamahalaan o ang 4 P’s o Pantawid Pamilya Pilipino Program.
“Patuloy nating tulungan ang mga mahihirap at maganda yan kung totoo na bumababa ang bilang ng mahihirap. Kung talagang 21 milyon pa ang mga mahihirap sana ay isulong pa rin ang ‘Zero Poverty’ at dapat na tulungan sila lalong – lalo na sa kanilang ikabubuhay,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na batay naman sa Philippine Statistics Authority o PSA lumalabas na pinakamalaking poverty incidence ay nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao na 66.3 percent partikular sa Lanao Del Sur na may 48.8 percent at sa Eastern Visayas.
Habang hindi naman maikukunsiderang mahirap ang isang pamilya Filipino sa bansa kung kumikita ito ng P21,000 sa loob ng isang taon habang P 25,000 sa Metro Manila.
Samantala, nauna na ring gumagawa ng livelihood programs ang Caritas Margins na kung saan natutulungan nitong ibenta ang mahigit isang libong produkto ng mga micro – entrepreneur sa bansa.