429 total views
Matapos na payagan na muling makahuli ng isda ang mga Pilipinong mangingisda sa Panatag at Scarborough Shoal ay muli namang iginiit ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na manindigan ang bansa sa karapatan nito sa naturang teritoryo.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, dapat matanto ng pamahalaan ang naging hatol ng Permanent Arbitration Court sa The Hague, Netherlands na ang naturang teritoryo ay malinaw na pagmamay – ari ng Pilipinas.
“Mabuting balita para sa ating mga mangingisda na sila ay makapag – hanapbuhay at meron silang mapagkakakitaan na sila ay maka – pangisda roon. Pero tandaan natin, ito ay atin at hindi natin dapat i – give up ang ating pag -aari at kung ano ang atin. Kung ano ang naging hatol doon sa Hague ay bigyan ng katuparan at ito ay dapat kamtin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Pahayag pa ni Bishop Santos, matapos sana ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte ay naging malinaw na rin sa Tsina na ang 240 na kilometrong coastline mula Zambales ay pagmamay -ari ng Pilipinas.
Hiniling rin nito na sana ay tuluyan na ring kilalanin ng China ang batas at mapanindigan ng Pilipinas ang karapatan nito sa Panatag at Scarborough Shoal.
“Nararapat lamang na simula ng pumunta ang ating pangulo sa Tsina dapat na maganda na ang pakikipag – usap sa ganitong kalagayan at katayuan. Dapat rin nating igalang ang batas na nasa ating pabor at ang desisyon ay para sa atin. Ito ay dapat nating ganapin na itong pag – aari natin ay hindi natin dapat ipagsawalang bahala, hindi natin dapat isantabi, hindi dapat tayo makipag – kumpirmiso. Dapat natin itong ingatan, alagaan at ipaglaban ang ating karapatan, ang ating pag – aari, ang ating lupain at karagatan,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na nito lamang ika – 26 ng Oktubre taong kasalukyan ilang Linggo matapos ang naging state visit ni Pangulong Duterte sa China ay walong grupo ng mga mangingisda sa Zambales ang malayang nakapangisda sa Panatag Shoal na hindi man lang naharang ng mga Chinese Coast Guard na matagal ng namamalagi roon mula pa taong 2012.
Nauna na ring binanggit ng Kanyang Kabanalan Francisco na hindi dapat ginagamit ng mga malalaki at makapangyarihang bansa ang kanilang impluwensya makapanakop lamang ng mga lupain ng mga maliliit na bansa.