576 total views
Kinilala ng jeepney transport sector ang nakatakdang pagtaaas ng minimum fare sa mga traditional jeepneys.
Dahil sa nakatakdang pagtaas ng pamasahe sa public utility jeepney, humihingi si Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ng pang-unawa sa mamamayan.
Kinilala naman ni Ruben Baylon – Secretary General ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang inaasahang pagtataas ng minimum fare sa Setyembre.
Umaapela naman si Baylon sa pamahalaan na ipawalang bisa ang excise tax sa mga produktong petrolyo upang higit na makatulong sa pagbangon ng transport sector.
“The best pa rin ang pagtanggal sa E-vat ng langis at excise tax sa langis upang bumaba ang presyo sa pangmatagalan, ibasura ang oil deregulation law dahil kung lingguhan ang pagtaas ng presyo ng langis magiging walang saysay ang dagdag pasahe,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Baylon sa Radio Veritas.
Kinatigan naman ni Ricardo Rebaño – Pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) pagsunod sa 2019-035 na memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na susundin ang fare hike base sa pag-taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Napakahirap po kasi, tatamaan ang buong sambayanan kung magkakaroon ng fare increase. Nagrereklamo narin ang mga driver dahil hindi na sapat ang kanilang kinikita para suportahan ang kanilang pamilya, Siguro hihintayin na lang po namin kung ano po magiging desisyon ng DOTR at LTFRB,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Rebaño.
Unang naaprubahan ng LTFRB ang fare hike sa mga traditional jeepneys na maaring i-anunsyo sa unang linggo ng Setyembre kung magkano ang taas-pasahe sa mga jeepneys.
Nakasaad sa katuruang panlipunan ng simbahang katolika na dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga mahihirap tuwing magkakaroon ng mga desisyon sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.