632 total views
Pinasalamatan ng Diocese of Novaliches ang mga katekistang nag-alay ng panahon na maging katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng mga turo ng Panginoon.
Ito ang mensahe ni Fr. Eduardo Molina, Director ng Novaliches Diocesan Catechetical Foundation Inc. sa pagsisimula ng Catechetical month ngayong Setyembre.
Ayon sa pari, malaki ang naitutulong ng mga katekista sa paglago ng simbahan sa pamamagitan ng mga katesismo sa mga paaralan at pamayanan.
“The Church will be impoverished without your support. Maraming salamat sa pagtugon ninyo sa tawag ni Hesus na tuparin ang inyong vocation bilang propeta at alagad,” bahagi ng pahayag ni Fr. Molina.
Hinimok ng pari ang mga katekista ng diyosesis na magtulungan upang manatiling matatag sa paglilingkod lalo’t muling pinahintulutan ang face to face classes ng mga eskwelahan ngayong taon.
Una nang kinilala ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao, Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ang mga katekista bilang aktibong mission partner sa pagpalaganap ng turo ng simbahan upang mahubog ang kabataan.
Paalala ng obispo sa mananampalataya na tungkuling ng bawat binyagang maging katekista at misyonero ng simbahan upang dalhin si Hesus sa mga pamayanan.
Tuwing Setyembre ipinagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ang National Catechetical Month bilang pagbibigay pugay kay San Lorenzo Ruiz – ang kauna-unahang martir na santong Pilipino na aktibong katekista noong nabubuhay pa.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “The Catechists, Walking Together as Witnesses of the New Life in Christ” kung saan ipinaalala sa mananamapalataya ang misyon na sama-samang paglalakbay bilang binyagan at tagasunod ni Kristo.
Sa pag-aaral ng National Catechetical Studies ng University of Santo Tomas nasa 50-libo ang mga katekista sa buong bansa.