711 total views
Ang parusang kamatayan ay hindi nagkakaloob ng katarungan sa halip ay naghihikat ng paghihiganti sa mga biktima at kanilang pamilya.
Ito ang nilinaw ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang partikular na intensyon sa pananalangin sa buwan ng Setyembre para sa pagbuwag ng parusang kamatayan sa buong daigdig.
Ayon kay Pope Francis, ang parusang kamatayan ay isang permanenteng kaparusahan kung saan hindi na muling maitatama ang maling parusa sa isang indibidwal.
Pagbabahagi ng Santo Papa ang parusang kamatayan ay tahasang nagsasantabi sa buhay na pinakamahalagang biyaya ng Panginoon sa bawat nilalang at nagsasantabi sa pagkakataon na makapagsisi, makapagbalik-loob at makapagbagong buhay ng isang nagkasala.
“Capital punishment offers no justice to victims, but rather encourages revenge. And it prevents any possibility of undoing a possible miscarriage of justice. Additionally, the death penalty is morally inadmissible, for it destroys the most important gift we have received: life. Let us not forget that, up to the very last moment, a person can convert and change.” Ang bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Iginiit ng Santo Papa na walang pinipili ang isa sa pinakamahalagang utos ng Panginoon na “Huwag kang papatay”.
Bukod sa pananalangin, nanawagan rin si Pope Francis sa bawat isa na kumilos upang tuluyang mabuwag ang parusang kamatayan sa buong daigdig.
“In the light of the Gospel, the death penalty is unacceptable. The commandment, “Thou shalt not kill,” refers to both the innocent and the guilty. I, therefore, call on all people of goodwill to mobilize for the abolition of the death penalty throughout the world. Let us pray that the death penalty, which attacks the dignity of the human person, may be legally abolished in every country.” Dagdag pa ni Pope Francis.
Sa Pilipinas, itinuturing ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na inspirasyon ang mensahe at panalangin ng Santo Papa para sa paninindigan ng Simbahan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan.