548 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ika-22 Linggo ng Karaniwang Panahon, 01 Setyembre 2022, Luke 5:1-11
Nakisakay lang si Hesus sa bangka ni Simon Pedro para pagbigyan ang mga taong nasa dalampasigan na ibig makinig sa kanya. Kakaibang klaseng Rabbi nga naman ito. Kakaiba dahil ang karaniwang mga Rabbi noon ay sa loob lang ng mga sinagoga nagtuturo. Siya, kahit saan—sa mesa, sa kalsada, sa palengke, sa bundok, o sa dalampasigan tulad ng kuwento natin ngayon.
Mukhang masyadong bumilib si Pedro sa galing na magpaliwanag nitong Rabbi na sumakay sa kanyang bangka. Pati siya na dapat sana’y abala sa paglilinis ng lambat at nakababad sa tubig ay nahumaling din sa pakikinig sa kanya. Napagmasdan siguro niya sa mukha ng mga nakikinig kung paano nahuli ng Rabbi na ito ang loob nila. Kaya sa palagay ko, kung gagamitin natin ang imahinasyon at magri-“reading between-the-lines” tayo nang kaunti, mahuhulaan natin ang naging simula ng pag-uusap nila ni Hesus: “Ang galing naman ninyong titser, sir. Huling-huli ninyo ang loob ng mga nakinig sa inyo. Kumbaga sa mangingisda, grabeng dami ng mga isda na nahuhuli ng lambat ninyo. Ano ba ang sikreto?”
At ang sagot niya ay, “Pumalaot kayo. Ihulog n’yo ang lambat sa malalim na tubig at makakahuli kayo.” Akala siguro ni Pedro hindi sila nagkaintindihan. Akala niya mali ang dinig ni Hesus sa sinabi niya. Ang “husay” na tinutukoy niya ay tungkol sa panghuhuli ng kalooban sa pangangaral niya. Kaya siguro sumakay na lang siya sa sinabi ni Hesus, “Magdamag na nga kaming nangingisda pero wala kaming nahuli. Pero sige, sabi n’yo e.” Ininterpret niya nang literal ang sinabi ni Hesus. Hindi niya alam, talagang ganoon kung magturo ang Rabbi na ito. Mahilig magsalita o kumilos nang patalinghaga.
Sa Bibliya, sa Old Testament, may mga propetang ganoon din kung magturo. Kung minsan imbes na magturo sa pamamagitan ng salita, gumagamit sila ng tinatawag na “symbolic prophetic action” na kung minsan ay may pagka-weird. Halimbawa, si Ezekiel kumain daw ng scroll o libro para ipahayag na ang salita ng Diyos ay masarap na pagkain. O si Jeremias binali ang pamatok, para sabihing papatapos na ang pagkakaalipin ng bayan.
Kailan ba nakuha ni Pedro ang punto ni Hesus? Nang pumalaot nga sila, naghulog ng lambat, nakahuli ng marami at napaluhod siya at nagsabing, “Layuan n’yo ako, isa akong taong makasalanan.” Noon niya nakuha ang punto. Ibig niyang sabihin, “Panginoon, hindi po ako marunong at banal na tulad n’yo; hindi ko kaya ang ginagawa ninyo . Ni hindi ako marunong magsalita sa publiko na tulad n’yo. Paano ako manghuhuli ng loob para sa kaharian ng Diyos?”
At ang sagot ni Hesus ay “Hindi problema iyon. Sumunod ka lang sa akin. Tuturuan kita. Huwag kang manatili sa mababaw na tubig. Pumalaot sa malalim kahit mapanganib, kahit humarap ng bagyo at unos. Tuturuan kitang lumakad sa tubig. Ako ang bahala sa iyo, manalig ka lang sa akin.”
Siguro ito ang tinutukoy ni San Pablo na karunungan sa ating first reading. Pagiging bihasa, hindi sa paraan ng daigdig, kundi sa paraan ng kaharian ng Diyos. Maraming dapat bitawan o talikuran para matuto sa paraan ng Diyos. Mahirap turuan ang nag-aakalang marunong na siya. Ang tunay na karunungan ay natatamo lang ng tao kapag kaya nating tanggapin ang ating kamangmangan. Ang tunay na kabanalan ay nagsisimula pa lamang kapag kapag ang tao’y nagkakaroon ng kababaang loob na amining siya’y makasalanan, katulad ni Pedro. Paano mapupunuan ang hindi tumatanggap ng pagkukulang?