274 total views
23rd Sunday Cycle C
Wis 9:13-18 Philemon 9-10.12-17 Lk 14:25-33
Sino ba ang Kristiyano? Sapat na ba na maniwala sa Diyos para maging Kristiyano? Hindi! Ang mga Muslim ay naniniwala sa Diyos pero hindi sila Kristiyano. Sapat na ba na tumulong sa kapwa para maging Kristiyano? Hindi! May mga taong matulungin sa iba dahil sa mabubuting tao sila pero wala silang pananampalataya. Sapat na bang maging madasalin para maging Kristiyano? Maraming mga Buddhist na madasalin at magaling mag-meditate pero Buddhist sila. Kaya, sino ang Kristiyano? Ang Kristiyano ay ang naniniwala kay Kristo na siya ay tunay na Diyos at tunay na tao at sinisikap na sundin siya. Si Jesukristo ay ang anak ng Diyos na naging tao. Naging tao siya upang tubusin tayo, gabayan tayo sa buhay na walang hanggan at dalhin tayo sa tahanan ng Diyos Ama. Pupunta tayo sa Diyos Ama kung tinutularan natin siya. Siya ang tanging daan patungo sa Ama. Kaya ang palaging paanyaya ni Jesus sa mga tao ay: SUNDIN NINYO AKO. TULARAN NINYO AKO. Sinulat ni San Pablo: TULARAN NINYO AKO SA AKING PAGTULAD KAY JESUKRISTO. IMITATE ME AS I IMITATE CHRIST.
Mga kapatid, napakahalaga para sa atin ang pagtulad at pagsunod kay Kristo. Hindi lang ito basta-basta. Upang gawin ito, kailangan nating itaya ang lahat. Naalaala ba natin ang talinhaga ni Jesus tungkol sa isang tao na naghahanap ng mamahaling perlas? Noong matagpuan niya ang napakagandang perlas, ipinagbili niya ang lahat niyang ari-arian upang mabili ang perlas na ito. Itinaya niya ang lahat para makuha ang napakahalaga. Ganoon din ang hinihingi sa atin ni Jesus: itaya ang lahat! Siya ang uunahin natin. Wala dapat humadlang sa pag-ibig natin sa kanya. Ito ang ibig sabihin na hindi natin mamahalin ang sinuman o ang anuman ng higit sa kanya – kahit na ang ating mga magulang o mga anak, kahit na nga ang ating sarili. Kaya maging handa tayo na iwanan ang lahat, na daanan kahit na anumang hirap – iyan ang pagpapasan ng ating krus – para hindi tayo mahiwalay kay Jesus.
Napakahirap naman. Kaya ba natin ito? Kung sa ating sarili lang, hindi natin ito kaya, pero ibinigay ni Jesus ang Banal sa Espiritu, na walang iba kundi ang kanyang kapangyarihan at kaalaman upang ito ay magawa natin. At nagawa nga ito ng napakaraming mga martir at mga santo, hindi lang ng nakaraang panahon, pero pati na sa ating panahon. Sa Nigeria ngayon kinikidnap at pinapatay pa ang mga pari, pero mas marami pa ang gustong maging pari. May mga simbahang pinapasabog sa Nigeria, sa Pakistan, sa Sri Lanka at pati na sa Mindanao. Tumitigil ba ang mga Kristiyano doon na magsimba? Hindi! Sa bawat pagsimba nila tinataya nila ang kanilang buhay.
Ang pagsunod kay Kristo at pagtataya para sa kanya ay isang desisyon. Hindi lang ito isang kostumbre. Sana po madesisyonan natin ito. Napakahalagang desisyon ito, tulad ng pagdedesisyon ng isang gustong magtayo ng tore, na sa atin pa, ng isang condominium. Hindi ito isang ordinaryong building. Ito ay malaking building at nangangahulugan ng malaking gastos. Kailangang ibuhos ang lahat ng pera natin kung gagawin natin ito. Ito ay tulad ng pakikipagdigma sa isang kalaban na may mas malaking army kaysa atin. Kaya ba natin itong sagupain? Pag-isipan nang mabuti kung kakayanin natin ito. Hindi natin ito makakaya kung hindi natin ibubuhos ang lahat ng pera na mayroon tayo, ang lahat ng tauhan na mayroon tayo. Kaya sabi ni Jesus: “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
Para sa desisyong ito, kailangan natin ang karunungan at kaalaman na galing sa Diyos. Mahirap talikdan ang mga mahal natin sa buhay. Mahirap unahin ang Diyos kaysa ating sariling kagustuhan. Ika nga ng aklat ng Karunungan na ating narinig sa ating unang pagbasa: Kapos ang kaisipan ng tao at marupok ang ating mga panukala. Binabatak tayo ng ating pagkamakasarili at ng tawag ng laman. Hinihila tayo ng public opinion na nagsasabi sa atin na unahin mo muna ang iyong sarili at ang iyong kapakanan. Kaya kailangan natin na talikdan ang pangkaraniwang kalakaran at pag-iisip ng mundong ito.
Pero bakit naman napakalupit ni Jesus? Why does he ask for all? Jesus can demand all because he himself has given his all. Ang commitment ni Jesus sa atin ay buo, kaya makakahingi siya ng buo. Ang buong buhay niya ay ibinigay niya sa atin. Thirty three years old pa lang si Jesus at itinaya na niya ang buhay niya sa atin. Hind niya ibinigay ang sarili niya kasi mahina na siya, kasi masakitin na at natikman na niya ang buhay. Sa kanyang kabataan, sa rurok ng kanyang kalakasan – thirty three years old – ibinigay na niya ang kahuli-hulihang patak ng kanyang dugo. Inaalaala at ipinagdiriwang natin ito tuwing Banal na Misa. Dito binibiyak-biyak ni Jesus ang kanyang katawan at ibinuhos ang kanyang dugo para sa atin.
He has given his all so he can demand our all. Kaya huwag natin ipasabukas pa ang ating pagsunod sa kanya. Huwag sana natin sabihin na may gusto pa tayong gawin. Huwag nating gayahin si San Agustin noong kabataan niya. Matalino siya. Nakita na niya na tama ang katuruan ng mga Kristiyano. Nakita niya ang commitment ng maraming mga martir na nag-alay ng kanilang buhay para kay Jesus. Nararamdaman niya na hinihikayat na siya ni Kristo pero mag-re-resist pa siya.
Dinadahilan niya: Susunod ako sa iyong Panginoong Jesus – but not yet. Hindi pa ngayon. Pero sa wakas, pinutol na niya ang kanyang attachment sa mundong ito at nagpabinyag siya. Ibinigay na niya ang buong buhay niya sa paglilingkod sa Diyos at doon niya naranasan ang buong kasiyahan niya. Doon niya nadevelop ang katalinuhan at kaalaman niya na naging dakilang manunulat siya at pantas ng simbahan na hanggang ngayon, mga isang libo at anim na raang taon na ang nakaraan, patuloy pa ang kanyang influensiya sa maraming Kristiyano at mga scholars. Akala natin mahirap at malulugi tayo kapag ibinigay natin ang lahat kay Jesus.
Hindi iyan totoo. Mas pinapatingkad ng Diyos ang ating buhay at kakayahan sa pagtulad natin kay Jesus. Lalong nagiging makabuluhan ang buhay natin at sumasaya tayo kapag tinalikdan natin ang lahat alang-alang sa kanya. Talagang ibinabahagi niya ang kanyang kagalakan sa atin sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan. Sabi nga ni San Pablo, hindi pa humahaging sa ating kaisipan ang ibibigay ng Diyos sa mga tapat sa kanya. Kaya, tara na! Sumunod na tayo kay Jesus!