390 total views
Binigyan pagpapahalaga ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang kahalagahan ng edukasyon at ang pakikibahagi ng bawat kabataan upang matutong makapagbasa at sumulat.
Ito ang mensahe ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto -vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education (CBCP-ECCCE) sa paggunita ng International Literacy Day sa September 08.
“Ipinapaalala sa atin ang kahalagahan ng edukasyon para sa bawat mamamayan, para sa pamayananan, at para sa buong lipunan. Sabi nga ‘iba ang may alam’ at ‘read and lead’ ang edukasyon ay karapatan ng mamamayan, ito ay tungkulin ng bawat isa lalo ng mga magulang,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Hinimok din ng Obispo ang sektor ng edukasyon na pag-ibayuhin ang pag-tugon sa mga suliraning kinakaharap ng edukasyon katulad ng pagtaas ng bilang ng mga hirap na magbilang, magbasa at magsulat.
Panawagan ni Bishop Presto sa mga magulang na paglalaan ng panahon na turuan ang mga bata na magbasa, magsulat at malinang ang kanilang mga kakakayahan.
“Ugaliin din nating bigyang pansin na makapagbasa kahit ilang minuto sa isang araw, o magbigay ng regalong aklat o mag donate ng aklat sa public libraries, nawa’y ang International Literacy Day ay hindi lang natin maipagdiwang kundi ay maging atin ding kamalayan,” ayon pa sa mensahe ng Obispo.
Batay sa datos ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), taong 1967 ng simulan ang ibat-ibang pagdiriwang ng International Literacy Day sa buong mundo.
Sa pag-aaral ng United Nations Children’s Fund ngayong taon, natuklasang 85% ng mga kabataang nasa edad 10-taong gulang pababa ang hirap basahin ang mga simpleng pangungusap na itinuturo sa mga paaralan.