405 total views
Mga Kapanalig, noong estudyante kayo, anu-ano ang mga sinalihan ninyong extracurricular activities sa paaralan? Tiyak na nag-iwan ang mga ito ng mga hindi malilimutang alaala sa inyo.
Pero ano ang masasabi ninyo sa planong pagbabawal ng Department of Education (o DepEd) sa mga extracurricular activities sa kasalukuyang school year? Dapat na tutukan na lang daw ng mga bata ang mga aralin sa loob ng kanilang mga silid-aralan. Para sa mga tumututol, hindi nakakulong sa apat sa sulok ng silid-aralan ang pagkatuto ng mga bata.
Noong isang linggo, inanunsyo ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na ipagbabawal na ang mga extracurricular activities para sa school year 2022-2023 upang matutukan daw ng mga estudyante at kanilang mga guro ang mga kailangang habuling aralín sa pag-aaral na naudlot dahil sa pandemya. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, wala pang pormal na anunsyong inilalabas ang DepEd kung anu-ano ang mga aktibidad na ipagbabawal, ngunit ang mga extracurricular activities ay hindi bahagi ng regulár na school curriculum. Kabilang sa mga ito ang mga gawaing may kinalaman sa arts, sports, journalism, at teatro.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (o ACT), maaaring hindi produktibo ang naturang patakaran ng DepEd. Nangangamba sila sa posibilidad na humantong ito sa “burnout” o labis na pagkapagod ng mga estudyante pati na ng mga guro. Ang mga extracurricular activities daw kasi ang isa sa mga pinaghuhugutan ng mga estudyante ng saya at pahinga mula sa mga istrikto at pormal nilang gawain sa loob ng silid-aralan. Dagdag ng ACT, nag-aambag o nakatutulong ang iba’t ibang porma ng gawaing ito sa kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng pagsali sa mga extracurricular activities, nagkakaroon ang mga bata ng disiplina, kumpiyansa at tiwala sa sarili, at kritikal na pag-iisip. Nakatutulong ang mga ito sa paghubog sa kanilang kakayahang lumutas ng mga problema, maging malikhain, makihalubilo sa kanilang kapwa, at makipagtulungan sa iba. Nagkakaroon sila ng pagkakataong kilalanin ang kanilang sarili at alamin kung saan sila mahusay at makahahanap ng makabuluhang bagay na pagtutuunan nila ng kanilang atensyon. Mahalagang espasyo ang paaralan para sa paglilinang ng mga kakayanang hindi lamang umiikot sa mga pagsusulit at recitation. Maling akala na ang pagkakataon para sa mga gawaing labas sa lesson plans ay nagtatanggal ng oras mula sa tunay na pagkatuto ng mga bata. Hindi nauunawaan ng ganitong paniniwala ang mga benepisyo ng iba’t ibang gawain sa paaralan sa paglago ng mga bata.
Mahalaga rin para sa mga nakatatanda, lalo na sa mga opisyal ng kagawaran ng edukasyon, na isaalang-alang ang kahalagahan ng konsultasyon at pakikipag-usap sa mga bata bago ang pagbubuo ng mga patakarang makaaapekto sa kanila. Gaya ng paalala sa Kawikaan 2:2, “pakinggan mo kung ano ang makapagbibigay sa iyo ng karunungan at kaalaman.” May mga pagkakataong may mga rekomendasyon ang mga nakatatanda, lalo na ang mga may posisyon sa pamahalaan o iba pang organisasyon, na maaaring magmukhang pabor at kapakipakinabang para sa mga bata. Ngunit ang katotohanan, mayroong mga bagay na ang mga bata ang tunay na nakauunawa at nakakaintindi dahil bahagi ito ng kanilang katotohanan at karanasan.
Mga Kapanalig, mahalagang pakinggan at unawain ang opinyon ng mga bata tungkol sa mga isyung direktang nakaaapekto sa kanila. Mahalagang nakikibahagi sila. Gaya ng paalala ni Pope Francis, hindi natin maaaring ipagsawalambahala ang pakikilahok ng mga tao, kabilang ang mga bata. Ang kanilang karunungan, lalo na ng mga maliliit ay hindi maaaring isantabi… dapat pakinggan ang lahat… Kailangang tiyaking may pakikilahok at partisipasyon ang mga miyembro ng lipunan, kabilang ang mga bata, sa pagkamit natin ng tunay na makabubuti sa lahat.