257 total views
Suportado ng isang anti – gambling advocate ang susunod na kampanya ng Philippine National Police o PNP sa taong 2017 laban sa mga iligal na sugal sa bansa.
Ayon kay dating CBCP president at Lingayen – Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz, tama lamang na tutukan ng PNP ang talamak na sugal sa bansa lalo na ang mga small time lottery at jueteng na pinabayaan ng nakaraang administrayon.
Paalala ni Archbishop Cruz na sa kabila ng kampanya laban sa iligal na sugal ay manaig pa rin ang “due process” of law sa lahat ng mga sangkot dito.
Aniya, hindi dapat maisantabi ang karapatan ng mga mahuhuli sa ganitong gawain tulad ng umiiral sa kampanya kontra iligal na droga.
Umaasa din ang Arsobispo na kasabay ng maigting na kampanya kontra iligal na sugal mapabilis rin ang sistema ng hudikatura upang mapasara na rin ang halos 35 casino sa bansa na sumirira sa moralidad ng mamamayan.
“Yung ating justice system pag – ibayuhin, at gawing mabilis ng konti kasi mabagal pa sa lakad ng pagong. Ang justice natin panibaguhin, bilisan at gawin namang kapani – paniwala. Pero para sa isang sibilisadong bansa at sana maging maunlad na bansa, yung droga at iligal na sugal kasama na rin yung 35 casino at ito ay pamana noong nakaraang administrasyon. Uulitin ko sa lahat ng ito tama, na itong mga kasamaang ito ay dapat kalabanin at alisin pero ang buhay ng tao ay dapat igalang rin kahit paano,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Radyo Veritas.
Naunang nangako si PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sa taong 2017 makakatuwang nila ang Philippine Charity Sweepstakes Office na siyang ginagamit na front ng mga jueteng lords sa kanilang operasyon.
Nabatid batay sa asiabet.org ang Asya ang may pinakamalaking pasugalan sa buong mundo.
Hindi ito nakakasorpresa dahil ang 4.2 bilyong mga residente dito ay kumakatawan sa 60% ng buong populasyon sa mundo.
Samantala, maituturing ang pagsusugal bilang isa sa 7 deadly sins dahil ito ay pagbabaka-sakali na paramihin ang pera sa hindi pangkaraniwang paraan o hindi pinagpaguran.