670 total views
Inilarawan ni Rev. Fr. Pete Montallana- Chairperson ng Save Seirra Madre Network Alliance ang Sierra Madre bilang isang ina para sa mga katutubo.
Paliwanag ng pari, ito ang nagsilbi nilang tahanan at dito rin nagmumula ang kanilang pagkain, kabuhayan at mga gamot.
“Ang Sierra Madre ay isang nanay sa kanila na dito kumukuha sila ng kinabubuhay at kailangan din nilang buhayin ang Sierra Madre. “Yung nanay ko alagaan ko rin,” pahayag ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Dahil dito, umaasa si Fr. Montallana na ang pagbuo sa Sierra Madre Council ang magiging daan sa pagkakaisa ng pamahalaan at ng mga katutubo sa pangangalaga sa kabundukan.
Ayon sa Pari, mabuting bagay ang ginawa ng Department of Environment and Natural Resources na pagkonsulta sa mga katutubo ng Sierra Madre dahil ang mga ito ay matagal nang naninirahan sa kabundukan.
Gayundin naniniwala si Fr. Montallana na malaki ang maitutulong ng DENR sa mga katutubo sa pagbibigay ng mga bagong kaalaman at paglalaan ng pondo para sa mga livelihood program na hindi makasisira sa kalikasan.
“Yung nakikita ko diyan ay yung mga nakatira sa Sierra Madre ay magtutulong-tulong upang mapangalagaan ang nawawasak na Sierra Madre,” dagdag pa ng pari.
Ayon sa DENR, naglaan ito ng 2milyong piso bilang puhunan sa livelihood program na hihilinging buuin ng mga katutubo sa Sierra Madre.
Tinataya namang 30milyong indibidwal na naninirahan sa baba ng kabundukan kasama na ang Metro Manila, ang makikinabang sa pagpapanumbalik ng kaayusan ng Sierra Madre.
Una nang binigyang diin ni Pope Francis sa Laudato Si ang kahalagahan ng pagtutulong tulong ng bawat isa para sa ikabubuti ng nakararami.