336 total views
Ito ang bahagi ng mensahe ni Rev. Fr. Greg Gaston – Rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma sa naganap na beyatipikasyon kay Blessed Pope John Paul the 1st na pinangunahan ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon sa Pari, ang lahat ay Ang bawat isa ay inaanyayahan ng Panginoon na maging banal.
“Kung nasaan man tayo, doon tayo iniimbita ng Panginoon na maging banal kagaya ni Pope John Paul the 1st, kagaya ng ibang mga banal na kung nasaan man tayo [doon tayo tutulong sa ating Santo Papa, doon tayo tutulong sa Simbahan].” mensahe ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na tinatawagan tayo ng panginoon na magsilbing tagapaghatid ng mensahe, pag-ibig at kaligayahan sa lahat hindi lamang sa pamamagitan ng pananalangin at pababahagi ng salita tungkol sa Panginoon kundi sa pamamagitan ng gawa.
Nilinaw ng Pari na ang lahat ng binyagang Katoliko ay nagsisilbing instrumento at daluyan ng pagmamahal at biyaya ng Panginoon sa pagpapamalas ng virtues na nagmula sa Panginoon kabilang na ang pagmamahal sa kapwa, pagkakaroon ng malalim na pananampalataya, pag-asa at tiwala sa kaloob ng Diyos para sa lahat.
“Kayo talaga ang magdadala ng mensahe ng Panginoon sa inyong gawa, hindi lang sa inyong pagdadasal, hindi lang sa inyong pagsalita tungkol sa Panginoon kundi sa inyong gawa. Ang pag-ibig, ang kaligayan na dinadala ninyo sa kapwa yan din ang pag-ibig ng Panginoon, yan din ang kaligayahan na binibigay ng Panginoon sa buong mundo. Tayo ang instrumento, tayo ang dinadaanan ng pagmamahal ng Panginoon, yung ating love, yung ating faith, yung ating hope, yung ating prudence, yung ating virtue, yung ating temperance, yung ating justice, yung ating fortitude, courage, lahat ng mga virtues.” Dagdag pa ni Fr. Gaston.
Pinangunahan ng Santo Papa Francisco ang biyatipikasyon kay Blessed Pope John Paul the 1st sa misang ginanap sa St. Peter’s Square sa Roma noong ika-4 ng Setyembre, 2022.
Si Blessed Pope John Paul I ay isinilang sa Italya noong October 1912 bilang si Albino Luciani at naging tanyag sa taguri bilang The Smiling Pope.
Ang namayapang Santo Papa ay namuno lamang sa loob ng 33-araw at isa sa pinakama-igsing naglingkod bilang pinuno ng Simbahan mula noong August 26, 1978 hanggang sa kanyang pagkamatay noong September 28 sa parehong taon.
Ang naganap na biyatipikasyon kay Blessed Pope John Paul I ay isang pagbibigay linaw din sa maling impormasyon kaugnay sa kagya’t na pagpanaw ni Pope John Paul I na ayon sa isinagawang pagsasaliksik ng mga eksperto ay dahil sa atake sa puso at hindi pagkalason.
Ang himala na naitala kay Blessed Pope John Paul the 1st ay nagmula sa bansang Argentina kung saan may isang bata na may epilepsy na nasa kritikal ng kondisyon at imposible ng mabuhay ang ipinanalangin ng kanyang pamilya at ng isang pari sa pamamagitan ng Pope John Paul the 1st ang agad gumaling sa hindi maipaliwanag na dahilan ng mga doktor.