261 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang unang State of the Nation Address (o SONA), nanawagan si Pangulong Bongbong Marcos, Jr sa Kongreso ng isang loan condonation law na magpapaluwag sa obligasyong magbayad ng amortisasyon o utang ng mga agrarian reform beneficiaries (o ARBs).
Bilang tugon, naghain si Albay Representative Joey Salceda ng panukalang batas na bubura sa mga utang ng ARBs. Ilan pang probisyong magdudulot ng kaginhawaan para sa mga magsasaka ay ang pagbibigay ng palugit o amnestiya sa pagbayad ng estate tax at ang pagbasura sa mga kasong nagpawalambisa sa naipamahaging sakahan dahil sa hindi pagbabayad ng amortisasyon at interes sa utang.
Ayon kay Congressman Salceda, kung maipapasá bilang batas ang panukala niyang “New Agrarian Emancipation Act” (o House Bill No. 3797), makikinabang ang mahigit kalahating milyong ARBs na nagmamay-ari ng lampas sa kabuuang isang milyong ektaryang lupang naipamahagi. Hindi lamang nito mapalalaya ang mga magsasaka mula sa utang, mabibigyan pa sila ng pagkakataong gawing produktibo ang lupa dahil mawawala na ang pasanin ng pagkakautang.
Mahalagang patuloy na gawing produktibo ang lupa matapos itong maipamahagi sa magsasaka. Ang agrarian reform program ay hindi natatapos sa pagbibigay ng titulo ng lupa sa mga kuwalipikadong benepisyaryo. Kaakibat nito ang pagsuporta sa mga magsasaka, at dito nagkukulang ang ating gobyerno. Sa pamamagitan ng Program Beneficiary Development ng ating agrarian reform program, dapat na mabigyan din ng pamahalaan ng sapat at akmang suporta ang mga magsasaka sa kanilang mga pangangailangan sa produksyon at pagbebenta ng kanilang ani.
May ganitong probisyon sa panukalang batas ni Congressman Salceda. Gayunman, nakasaad doong uunahing bibigyan ng support services ang mga ARBs na kumpleto na ang bayad ng amortisasyon. Paliwanag ng kongresista, ito raw ay para maging patas ang panukalang batas sa mga nagsusumikap na magbayad ng kanilang amortisasyon.
Kung nais ng panukalang batas na tulungan ang mga ARBs, hindi nga ba ang mga nahihirapang makapagbayad ng kanilang amortisasyon ang unang dapat mapaabutan ng support services? Sa ganitong paraan, mapagyayaman nila ang lupang ipinagkaloob sa kanila. At kung produktibo ang kanilang sakahan, mapauunlad nila ang kanilang pamilya at makaaambag sila sa pagkain sa ating mga pamilihan. Mahalagang-mahalaga ito lalo na ngayong may krisis tayo sa pagkain.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo sa Simbahan ang prinsipyong tinatawag na universal purpose of eathly goods. Batay ito sa paniniwalang ang lahat ng nasa daigdig ay biyayang kaloob sa atin ng Diyos, at dapat lamang na pagbahaginan natin ang mga ito. Sinabi sa Second Plenary Council of the Philippines (o PCP II) noong 1992 na kailangan ang prinsipyong ito sa isang tunay at komprehensibong repormang agraryo o agrarian reform. At ang makabuluhang agrarian reform program ay walang magsasakang iniiwan.
Kung tunay ngang prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang agrarian reform at ang kapakanan ng mga ARB, mainam na abutin ng mga bubuuing batas at programa ang mga higit na nangangailangan sa kanila. Hindi natin sinasabing pabayaan na lang ang mga nakakabayad na. Sapat na tulong-pinansyal, suporta sa produksyon, at access sa merkado ang kailangan para sa lahat ng ARB—nakakabayad man o hindi. Ang mga ito ang magtitiyak na kakayanin ng magsasaka na gawing produktibo ang kanyang lupa nang masuportahan niya ang kanyang sarili at pamilya. Kung wala ang mga ito, patuloy na magsasanla, magpaarenda, o aabandonahin ng magsasaka ang kanyang lupa.
Mga Kapanalig, maging bukás sana si Congressman Salceda at mga kapwa niya mambabatas na gawing higit na makabuluhan ang “New Agrarian Emancipation Act”. (Balita rin nating may katulad na panukalang batas si Senador Lito Lapid.) Nawa’y maging mga lider silang “iginagawad ang katarungan sa api at mahihirap,” gaya ng sinasabi sa Mga Kawikaan 31:9.