594 total views
Patuloy na babantayan ng Diyosesis ng Imus ang operasyon ng seabed quarrying sa baybaying sakop ng limang bayan sa lalawigan ng Cavite.
Sa liham-pastoral hinggil sa Panahon ng Paglikha, sinabi ni Bishop Reynaldo Evangelista na kailangang bantayan ng publiko ang operasyon ng San Nicolas Shoal Seabed Quarrying Project ng VIL Mines, Inc. sa baybayin ng Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, at Ternate.
Ito’y dahil sa panganib at pinsalang maidudulot ng labis na paghigop at pagkuha ng buhangin na makakaapekto sa likas na kalagayan ng kalikasan lalo na sa karagatan, at kabuhayan ng mga nasa baybaying komunidad.
“Kamakailan lamang, ang Ministy sa Kalikasan ng Diyosesis ng Imus ay nakatanggap ng mensahe mula sa Arsidiyosesis ng Maynila na magkakaroon ng ocular inspection sa San Nicolas Shoal at public hearing tungkol sa Expanded Seabed Quarrying sa lugar na ito,” bahagi ng liham-pastoral ni Bishop Evangelista.
Nagkakahalaga ng P500-milyong ang planong pagpapalawig sa proyekto at may lawak na higit sa walong libong ektarya.
Ang San Nicolas Shoal ay isang sand bar o sand barrier na nagsisilbing proteksyon ng mga komunidad malapit sa dalampasigan laban sa malalakas na alon at pagbaha.
Iginiit ni Bishop Evangelista na kapag nagpatuloy ang seabed quarrying, tuluyan rin nitong sisirain ang tahanan ng iba’t ibang lamang dagat tulad ng isda na magdudulot naman sa kawalan ng hanapbuhay ng mga mangingisda.
Dalangin naman ng Obispo na nawa’y mabigyang-pansin ng mga kinauukulan ang panawagan laban sa mapaminsalang proyekto, at sa pamamagitan nito’y matutunan ang ecological conversion upang maipakita ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha.
“Ngayong Season of Creation o Panahon ng Paglikha 2022, muli nating panibaguhin ang paanyaya ni Papa Francisoco sa pagbabagong-loob na makakalikasan (ecological conversion); manalanging kasama ang Sangnilikha at para sa Sangnilikha; mamuhay ng payak. at pangalagaan ang ating kalikasan,” ayon sa Obispo.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si Bishop Evangelista hinggil sa seabed quarrying sa kanyang pagninilay para sa pagbubukas ng Season of Creation sa Diyosesis ng Imus.
Sinabi rin dito ng Obispo ang paglulunsad ng signature campaign bilang panawagang pigilan ang mapaminsalang proyekto sa lalawigan.