673 total views
Alalahanin si Maria, ang ina at reyna ng sangnilikha.
Ito ang tagubilin ni Baguio Bishop Victor Bendico mula sa kanyang liham pastoral para sa pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation.
Sinabi ni Bishop Bendico na kasabay ng pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan, magandang gunitain din ang mahalagang tungkulin ni Maria sa pagiging tapat na tagasunod ng Diyos.
Ipinaliwanag ng Obispo na ipinakita ni Maria ang kanyang pagtugon nang siya ay piliin upang maging ina at tagapangalaga ni Hesus na Panginoon ng sanlibutan.
Sinabi ni Bishop Bendico, ito ang katangian ni Maria na dapat tularan ng sangkatauhan bilang mabubuting katiwala na mangangalaga ng nag-iisang tahanan laban sa labis na pang-aabuso.
“Let us not forget Mary – our Patroness – Our Lady of the Atonement. She is there in heaven as Mother and Queen of all creation. Let us continue to entrust our Diocese to her,” bahagi ng liham- pastoral ni Bishop Bendico.
Ang Diyosesis ng Baguio ay nasa ilalim ng pamimintuho ng Mahal na Ina ng Kalubagang-Loob o Our Lady of the Atonement.
Ipinagdiriwang naman ng simbahang katolika ngayong araw ang kapistahan ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
Ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Filipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ni Hesus at ng sanlibutan.