658 total views
Pagkilala at pagpupuri sa Panginoon ang pangangalaga ng sangnilikha.
Ito ang tagubilin ni Daet, Camarines Norte Bishop Rex Andrew Alarcon sa mga kabataan kasabay ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation.
Ayon kay Bishop Alarcon, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth na ang lahat ng nilalang ay kaloob ng Diyos sa bawat isa upang pagyabungin at pangalagaan.
Kaya naman hamon ng Obispo na bilang mga itinuturing na pag-asa ng bayan, dapat matutunan ng mga kabataang pahalagahan ang mga likas na yaman para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
“Mga kabataan, alagaan natin ang mga kaloob na ito, sapagkat sa pagsasagawa nito ay pinaglilingkuran natin ang ating kapwa, ang sarili at tinitiyak natin ang kinabukasan,” pahayag ni Bishop Alarcon sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok naman ni Talibon, Bohol Bishop Patrick Daniel Parcon ang mga kabataan na sikaping gawin sa mga tahanan ang 3R- Initiative o ang Reduce, Reuse, at Recycle.
Ayon kay Bishop Parcon na siya ring miyembro ng CBCP-ECY na sa ganitong paraan ay magagampanan ng mga kabataan ang kanilang tungkulin para mapangalagaan at mailigtas ang inang kalikasan mula sa tuluyang pinsala.
Paliwanag pa ng Obispo na kabilang sa mga mahahalagang pagtuunan ay ang wastong pamamahala ng basura upang mapigilan at matugunan ang lumalalang plastic pollution na nagdudulot ng malaking epekto sa mga krisis sa kapaligiran.
“We are in the state of climate emergency and in a very dangerous situation. It’s time to move and do something. Recycle, Reuse, and Reduce are simple things that we can do to save our common home. Onward young protectors of Mother Earth. It’s your future that is at stake.,” ayon kay Bishop Parcon.
Batay sa Children’s Climate Risk Index Report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong August 2021, naitala ang Pilipinas bilang pang-31 sa mga bansang lantad ang mga bata sa mga epekto ng climate change.