618 total views
Muling binuksan ng Vatican ang Baby Bishops’ School para sa mga bagong obispo ng Simbahang Katolika.
Nagagalak ang Pontificio Collegio Filippino (PCF) na tanggapin sa institusyon ang mga Pilipinong obispo na sasailalim sa formation course na inisyatibo ng Dicastery for Bishops ng Vatican at Regina Apostolorum.
Ayon kay PCF Rector Fr. Gregory Ramon Gaston, magandang pagkakataon din itong kumustahin ang mga obispo sa kani-kanilang diyosesis na pinaglilingkuran.
“It is always fun to welcome our Bishops to their Home in Rome. We get updates on their respective dioceses and anecdotes on their encounters with Pope Francis,” ayon sa pahayag ni Fr. Gaston.
Unang binuksan ang new bishop school ng Vatican noong September 2 kung saan nasa 150 mga bagong obispo ang dumalo habang inaasahan naman ang 170 mga obispo ang dadalo sa second batch ng formation na gaganapin sa September 12 hanggang 19.
Sinabi ni Fr. Gaston na kabilang sa itinuring na ‘baby bishops’ sina Bishop Moises Cuevas ng Zamboanga; Bishop Raul Dael ng Tandag; Bishop Jose Allan Dialogo ng Sorsogon; Bishop Noel Pedregosa ng Bukidnon; at Bishop Ruben Labajo ng Cebu.
Ayon sa pari, ilang obispo rin na alumni ng PCF ang nagbabalik tanaw sa karanasan noong nag-aral sa Roma lalo na ang hirap sa Italian language.
Ayon pa kay Fr. Gaston ito rin ay pagkakataon upang pasalamatan ang mga obispo sa patuloy na suporta sa PCF.
“The Bishops’ visit also offers an opportunity for us to thank them for their prayers and support, and renew our invitation for them to send more priests to do further studies in Rome,” ani Fr. Gaston.
Tinatalakay sa baby bishop school ang crisis management na nakatuon sa context of abuse, social media, at canon law sa pangangasiwa ng diyosesis.
Gayundin ang kahulugan ng synodal church, education for synodal leadership at Church after the pandemic.
Umaasa si Fr. Gaston na bukas ang mga layko sa pagtulong sa kanilang diyosesis sa pagpapaaral ng mga pari sa Roma sa kapakinabangan ng mananampalataya ng bawat parokya at komunidad.
“We pray that the lay faithful could help their dioceses finance their priests’ continuing formation in Rome. Expenses would be similar to what a family in the province spends to send their child to a good university in Manila, and a mere fraction of the cost of sending a son or daughter to the US for studies,” saad ng pari.
Ginaganap ang formation course ng baby bishops sa Pontifical Athenaeum Regina Apostolorum ng Legionaries of Christ.