555 total views
Ipinagpapasalamat ni Healing priest Fr. Joey Faller sa biyaya ng misyon at bokasyon na ipinagkatiwala sa kanya ng Panginoon.
Sa panayam ng Radio Veritas ibinahagi ni Fr. Faller ang kagalakang maglingkod sa healing ministry sa kabila ng mga kahinaan.
“Pasalamat po ako sa Panginoon sapagkat ito po ay biyaya ng Diyos hindi man ako karapat-dapat pero pinili Niya akong maging kasangkapan na maging kanyang kinatawan dito sa lupa higit sa lahat ginagamit Niya ako sa healing mnistry,” pahayag ni Fr. Faller.
Ipinagdiwang ni Fr. Faller ang ika-33 anibersaryo ng pagkapari noong September 9, 2022 kung saan inilunsad din ang aklat na ‘Lock down with Jesus’.
Ayon sa pari bagamat sarado ang Kamay ni Hesus Healing Church sa Lucban Quezon ay ginamit itong pagkakataon upang mailathala ang mga pagninilay na magbibigay pag-asa sa mamamayang nalulumbay bunsod ng kinakaharap na suliranin.
“Ito ay para makapagbigay ng inspirasyon, at pag-asa sa mga tao lalo’t higit sa panahong lubog na lubog tayo, sa panahong napakadilim ng mundo, yung panahon na tayo ay nawawalan ng pag-asa kailangang sumikat ang liwanag ng presensya ng Panginoon,” ani Fr. Faller.
Binigyang diin ni Fr. Faller tanging si Hesus ang nagpapagaling sa mga may karamdamang lumalapit sa kanya na nagsisilbi naman siyang daluyan ng biyaya nang pagpapagaling bilang pastol.
September 9, 1989 nang maordinahan si Fr. Faller bilang pari at kasalukuyang pinangangasiwaan ang Kamay ni Hesus Healing Church kasama ang ilang pari ng Diocese of Lucena.
Sa mga nais makakuha ng kopya ng aklat na ‘Lock down with Jesus’ maaring makipag-ugnayan sa official Facebook Page ng Kamay ni Hesus Healing Church at sa Veritas Truthshop.