567 total views
Naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines social action ministry na mahalaga ang pagtutulungan ng bawat sektor at simbahan upang maabot ang higit nangangailangan sa lipunan.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP NASSA at National Director ng Caritas Philippines mas malawak ang pagtugon kung may pagkakaisa ang lipunan.
Ito ang mensahe ng obispo sa nagpapatuloy na partnership ng Unilab at Caritas Philippines sa paglingap sa kalusugan ng mga kabataan sa bansa.
“Kapag tayo ay nagkakaisa ay pwede nating pagkaisahin ang ating mga resources at magiging mas epektibo ang ating pagtulong sa ating kapwa,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Muling pinasalamatan ni Bishop Bagaforo ang Unilab sa inisyatibong makipagtulungan sa Caritas Philippines para isulong ang programang ‘Pangakong Proteksyon:Immunity for All Kids’ na nagsimula noong Marso.
September 13, 2022 nasa 100 mga bata ng Diocese of Cubao ang pinagkalooban ng mga bitamina para mapalakas ang resistensya at pangangatawan.
Pinangunahan ni Bishop Bagaforo ang pamamahagi ng vitamins kasama si Caritas Cubao Director Fr. Ronnie Santos, Ceelin Ambassadors Dingdong at Marian Rivera – Dantes, mga opisyal ng Unilab at Ceelin.
Ayon sa ulat ng Unilab mahigit 100-libong kabataan mula sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) ang nakatanggap ng bitamina mula nang mailunsad ang programa.
Apela ni Bishop Bagaforo sa iba pang pribadong sektor na bukas ang simbahang makipagtulungan para sa kawanggawa at kapakinabangan ng mga Pilipino.
“Kami sa Caritas Philippines ay bukas ang aming pintuan na makipag partner sa anumang mga grupo, mga civic organizations, mga non-government organizations at mga business enterprises o institution na ibig nilang makarating ang kanilang tulong sa mga nangangailangan ay pwede naming ma-facilitate sa pamamagitan ng ating Diocesan Social Action Network all over the Philippines,” saad ni Bishop Bagaforo.