976 total views
Kasunod ng pagpapalaya ng higit sa 300 mga bilanggo ng Bureau of Corrections (BuCOr) sa iba’t ibang piitan sa bansa, hinikayat naman ng Sangguniang Layko ng Pilipinas ang mga simbahan at lokal na pamahalaan na bigyan ng trabaho ang mga bagong laya lalo na sa sektor ng pagsasaka.
Ayon kay Raymond Daniel Cruz Jr, pangulo ng Laiko, nawa ay mabigyan ang mga nakalayang bilanggo ng pagkakataon na muling makapagsimula ng payapang buhay sa pamamagitan ng pagtanggap sa pamayanan.
Sinabi pa ni Cruz, ang mga bilanggo ay may malawak na karanasan sa pagtatanim lalo na ang mga namalagi sa penal farms.
“Mungkahi ko sa mga LGU at Dioceses na tatanggap sa kanila ay tingnan ang kalagayan nila at bigyan ng pagkakataon. Dahil marami sa kanila ay naglagi sa mga Penal Farms, may taglay silang lakas at galing sa pag-aalaga at pagtatanim. Gawin naman natin silang mga bayani ng kalikasan. Hayaan nating sa pagtatanim at pag-aalaga ng buhay madama nila ang kanilang mahalagang contribution sa bayan,” dagdag pa ni Cruz.
Panawagan din ni Cruz sa mga laiko na gawing misyon ang pagtulong at pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga bagong layang bilanggo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tirahan at hanapbuhay.
“Sa mga Laikong merong negosyo at paraang bigyan ng tirahan at hanapbuhay ang mga ito, gawin natin itong misyon… ang paglalakbay tungo sa panibagong buhay sa bayan at sa Panginoon. “A Journey Towards New Life in Society and in the Lord!” Ayon pa kay Cruz.
READ:
https://www.veritasph.net/pdl-mahalaga-ang-buhay/
Una na ring napaulat na 371-bilanggo ang pinalaya ng Bureau of Corrections kung saan sa bilang ay 240-ang natapos na ang kanilang maximum sentence, 98-ang nabigyan ng parol, 31-ang pinawalang-sala habang ang 2-naman ay isinailalim sa probation.
Ang 191-bilanggo ay mula sa National Bilibid Prison, 37-mula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong, at 143 ay nagmula naman sa iba’t ibang correctional facility at penal farms.