403 total views
Mga Kapanalig, sa paghahanda ng badyet para sa susunod na taon, makakukuha ng karagdagang badyet ang mga opisina ng pangulo at pangalawang pangulo. Malaki rin ang pondong ilalaan sa mga proyektong pang-imprastraktura at sa debt servicing o pagbabayad ng ating utang. Samantala, binawasan naman ang pondo para sa sektor ng edukasyon at paggawa pati na rin ang social protection, kung saan pumapaloob ang pamamahagi ng ayuda at pabahay. Bagamat tumaas ang porsyento ng badyet para sa Department of Health (o DOH), may mga programa itong tinapyasan ng malaking badyet.
Ilan sa mahahalagang programa ng DOH na may malaking kaltas sa badyet ay ang Epidemiology and Surveillance Program, Health Regulatory Program, Public Health Program, and the Health Emergency Management Program. Paliwanag ng Department of Budget and Management (o DBM), na naghahanda ng badyet ng gobyerno, kailangan ibatay ang mga programa at proyekto sa badyet na mayroon lamang ang bansa upang mapanatiling maayos ang pamamahala sa pananalapi ng bansa. Sabi pa ng DBM, mas mataas naman ng sampung porsiyento kumpara sa kasalukuyang taon ang 296.3 bilyon pisong panukalang badyet para sa sekor ng kalusugan sa taóng 2023.
Gayunpaman, sinabi ng DOH officer-in-charge na si Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang mga benepisyo at allowances ng mga healthcare workers ang higit na magdurusa sa pagbawas sa panukalang budget nito para sa susunod na taon. Kakapiranggot diumano ang pondong inilaan para mabigyan ng benepisyo ang lahat ng healthcare workers hanggang sa katapusan ng 2023. Dalawampung bilyong piso lamang ang nakalaan para sa emergency benefits at allowance ng mga healthcare workers—19 na bilyong piso nito ang mapupunta sa kanilang Health Emergency Allowance (o HEA), habang ang natitirang isang bilyong piso ay mapupunta sa kanilang COVID-19 death and sickness compensation package. Ang kaso, hindi raw nito matutugunan ang mga pangangailangan ng 850,000 healthcare workers para sa buong taon ng 2023.
Matagal nang panawagang bigyan ng karampatang atensyon, sahod, at benepisyo ang mga healthcare workers dahil susi sila sa pagpapalakas ng ating sistemang pangkalusugan. Sa panahong mayroon pa ring kinakaharap na krisis sa kalusugan ang bansa dahil sa Covid-19 at iba pang nakahahawang sakit, mahalaga ang papel ng mga doktor, nars, at iba pa sa pagtiyak sa kapakanan ng sambayanan.
Paano iiwasan at kokontrolin ng bansa ang mga kumakalat na sakit gaya ng monkeypox kung kinaltasan ang badyet para sa programang tutugon dito? Paano mauubos ang kaso ng COVID-19 kung kulang at underpaid ang mga healthcare workers? Mahalaga ang masusing pagpaplano ng gobyerno upang makabangon ang ating bansa mula sa pagkalugmok na dulot ng pandemya.
Gaya ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang kapakanan ng nakararami ay ang dahilan at batayan ng pamahalaan. Nariyan ang pamahalaan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan na hindi nila kayang punan bilang mga indibidwal. Kasama rito ang pagkakaroon ng maayos na kalusugang kailangan upang mamuhay nang ganap at may dignidad. Hindi maaaring isantabi ng gobyerno ang sektor ng kalusugan dahil karapatan ng bawat isa ang magkaroon ng maayos at malusog na pamumuhay. Kaya naman, malinaw ang tungkulin ng pamahalaang pagtugmain ang iba’t ibang interes ng mga sektor na nababatay sa hustisya upang matiyak ang kabutihang panlahat. Sabi nga sa Roma 13:4, ang mga pinuno ng pamahalaan ay “mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti natin.”
Mga Kapanalig, sa panahong lubog sa utang ang ating bansa, may krisis tayo sa pagkain, patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at umiiral pa rin ang banta ng mga nakahahawang sakit, mahalagang maging mapanuri tayo sa mga desisyon ng ating pamahalaan. Apektado tayong lahat sa kanilang magiging mga prayoridad at hindi prayoridad.