567 total views
Pinawi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pangamba ng mga miyembro sa ulat na kapos sa pondo ang ahensiya.
Inihayag ng PHILHEALTH na walang dapat ipangamba ang mga miyembro sa ulat na lumabas sa pahayagan na nalugi ang Philhealth ng 57-bilyong piso noong nakalipas na taon.
Ibinahagi ng Philhealth na umabot sa 33-bilyong piso ang kinita nito noong 2021 mas mataas ng dalawa punto walong bilyong piso kumpara noong 2020 habang tumaas ng 27-porsyento ang asset na nagkakahalaga ng 347.48-billion pesos.
“Ang pagtaas ng collection efficiency mula sa Direct Contributors, national government subsidy para sa premium ng Indirect members, at kita mula sa matalinong investments ay nakatutulong upang mapanatiling matatag ang ating pondo”, ayon sa pahayag ni Atty. Eli Dino Santos, kasalukuyang Officer-in-Charge ng Philhealth.
Sinabi ng ahensya na nitong Hunyo 2022 ay nasa 188-bilyong piso ang reserbang pondo mas mataas ng 6.7 porsyento kumpara noong 2021, isang indikasyon na nanatiling matatag ang pondo para tustusan ang pangangailangan ng mga miyembro.
Ang mga kontribusyon mula sa Direct Contributors ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng pondo ng PhilHealth para maisakatuparan ang Universal Health Care Law.