401 total views
Nagbalik na sa paaralan ang mga estudyante ng ating bayan. Hirap man ang maraming mga pamilya, tuloy-tuloy na ulit ang regular na pagpasok ng mga bata sa mga eskwela ngayon. Good news ito, dahil mas marami na ulit matutunan ang mga bata, mas matutukan na nila ang mga leksyon, at makakasama na nila ang kanilang mga kaibigan.
Kaya lamang, ang pagbabalik paaralan ng mga estudyante ay nagpakita rin ng malaking isyu na kinakaharap ng marami nating mga kababayan. Ito ay ang gutom. May mga insidente na ating nakikita ngayon sa mga balita sa social media at sa telebisyon kung saan ang may mga kabataan ang pumapasok ng paaralan na wala pang almusal at wala ring baon habang nagka-klase. Kaya nga’t may mga guro na nagtaguyod na ng mga classroom pantry kung saan maaaring makakuha ng meryenda ang mga batang walang baon sa klase.
Magandang inisyatibo ito kapanalig, kaya lamang hindi natin dapat iasa sa mga guro ang nutrisyon ng mga estudyante. Ang pamahalaan ay dapat manguna sa pangangalaga ng nutrisyon ng mga bata, lalo pa’t mas dumami ang nakakaranas ng kahirapan ngayon sa ating bayan. Mas nagiging banta ngayon ang malnutrisyon.
Ang malnutrisyon, kapanalig, ay hindi lamang simpleng gutom. Banta ito sa kinabukasan ng mga bata. Ito ay nagdudulot ng poor learning at cognitive issues. Kung hindi makapag-aral ng maayos ang bata, ang kanyang kinabukasan ay nakokompromiso – limitado ang mga trabaho na kanyang makukuha. Makukulong siya sa kahirapan, at gutom din ang mararanasan ng kanilang mga anak. Ang malnutrisyon ngayon ay maaaring magdulot ng walang katapusang cycle of poverty.
Ang malnutrisyon ay nagdudulot na ng stunting sa maraming kabataang Filipino. Tinatayang isa sa tatlong batang Filipino ang stunted. Ang ating bansa ay panglima sa mga bansa sa East Asia and the Pacific at isa sa mga sampung bansa sa buong mundo na may pinaka-maraming stunted children. Ang nakakalungkot pa, kapanalig, 0.52 lamang ang score ng bansa sa Human Capital Index noong 2020 pagdating sa productivy. Nangangahulugan ito na ang bawat bata na sinilang ngayon ay makakamit ang kalahati lamang ng kung ano ang maaari nilang makamit kung may kumpletong edukasyon at buong kalusugan. Sabay sana sa pagbubukas ng paaralan ay ang pagtutok din ng ating bayan sa kalusugan ng ating mga kabataan. Mahalagang gawain ito kapanalig, dahil ang pangangalaga sa kalusugan ng kabataan ay pangangalaga din sa kalusugan ng ating bayan. Ang pagtugon sa isyu ng gutom, lalo na ng mga bata, ay pagpapahalaga sa dignidad ng tao. Sabi nga ni Pope Francis sa isang UN Forum noong Hulyo 2021: “Ang gutom ay isang krimen na lumalabag sa karapatang pantao ng bawat indibidwal.”
Sumainyo ang Katotohanan.