387 total views
Ikinagalak ng Tampakan Forum ang desisyon ni Tampakan, South Cotabato Mayor Leonard Escobillo na bawiin ang Mayor’s permit para sa Sagittarius Mines, Inc na nagpapatakbo sa Tampakan Gold-Copper Project.
Bunsod ito ng pandaraya at maling representasyon sa layunin ng kumpanya sa proyektong pagmimina sa lupain ng South Cotabato.
Ayon kay Marbel Diocesan Social Action Director Fr. Jerome Millan, ito ay magandang balita dahil muling nabigyan ng pag-asa ang mamamayan ng South Cotabato upang mapangalagaan ang mga likas na yaman ng lalawigan laban sa tuluyang pinsalang dulot ng pagmimina.
“The revocation can be considered as another victory towards stopping SMI from operating in the area. We laud the LGU for this positive move,” pahayag ni Fr. Millan.
Sinabi naman ni Alyansa Tigil Mina National Coordinator Jaybee Garganera na ipinamalas ng lokal na pamahalaan ng Tampakan ang pagiging mabuting lingkod ng bayan upang pakinggan ang panawagan ng mamamayan at isinasaalang-alang ang ikabubuti ng kinasasakupan.
“We commend the local government of Tampakan for applying the law and holding the mining company accountable for its false statements in its Mayor’s Permit documents,” ayon kay Garganera.
Umaasa naman ang Tampakan Forum na mananatili ang paninindigan ng Tampakan LGU upang tuluyan nang mapigilan ang pagmimina sa lugar, gayundin ang layuning pangalagaan ang kalikasan laban sa pagpasok ng mga mapaminsalang kumpanya.
Ang Tampakan Forum ay pinangungunahan ng Diyosesis ng Marbel kabilang ang iba’t ibang makakalikasang grupo na mahigpit na tumututol sa Tampakan Mining Project.