649 total views
Umaasa si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Office on Stewardship ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang bawat tao ay maging mabuting katiwala ng Panginoon sa mundo.
Ito ang pagninilay ng obispo sa patuloy na pagsusulong ng ‘spirituality on stewardship’ ng simbahan sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop Pabillo nawa’y sikapin ng bawat isa na pahalagahan ang bawat biyayang ipinagkaloob sa tao sapagkat ang mundo ay para sa kapakinabangan ng lahat at hindi para sa iilan lamang.
“Sana maging mabubuting katiwala tayo sa ating pamamahala sa mga bagay ng mundong ito upang makamit natin ang tunay na mahahalaga sa tahanan ng ating Ama…Bilang katiwala, sikapin natin na pamahalaan ang mga bagay sa mundo para sa maraming tao, hindi lang para sa atin at hindi lang para sa iilan,” ayon sa pahayag ni Bishop Pabillo.
Batid ng opisyal na mayaman sa likas na yaman at material resources ang mundo lalo na ang Pilipinas subalit iilan lang ang nakikinabang habang karamihan ay naghihirap dahil sa malawakang korapsyon.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na dahil sa pananamantala kaya’t 80-porsyento sa mga Pilipino ang naghihikahos at nagugutom sa kabila ng pagsusumikap na maghanapbuhay.
“Nahihirapan sila kasi hindi sila nabibigyan ng pagkakataon, na sila ay pinagsasamantalahan at nilalamangan,” ani ng obispo.
Una nang sinabi ni Bishop Pabillo na mahalaga ang pagiging mabuting katiwala sa panahon, talento at kayamanan sapagkat ito ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon.
Inihayag ng Obispo na nararapat maglaan ng panahon ang tao upang makipag-ugnayan sa Panginoon at higit mapalalim ang pananampalataya.
Bukod pa rito ang pagiging mapagkawanggawa sa kapwa lalo na sa higit nangangailan sa lipunan.
Isa sa mga tinututukan ng Office on Stewardship ang pagbuwag sa arancel system ng mga simbahan sa Pilipinas at pagsusulong ng balik-handog program para suportahan ang parokya sa tulong ng nasasakupang komunidad.