843 total views
Muling nanawagan si Fr. Pete Montallana, OFM, chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance na patuloy na pangalagaan ang Sierra Madre laban sa anumang panganib na hatid ng mga mapaminsalang proyekto.
Ito ang pahayag ng pari matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Karding kasabay rin ng paggunita sa Save Sierra Madre Day ngayong araw.
Ayon kay Fr. Montallana, muling nasaksihan ang kakayahan ng bulubundukin ng Sierra Madre na pangalagaan ang bansa lalo na ang malaking bahagi ng Luzon, sa pamamagitan ng pagbasag at pagpapahina sa bagyo.
Sinabi ng pari na hindi lamang mainam sa pagtugon sa epekto ng bagyo ang bulubundukin at kagubatan ng Sierra Madre kun’di maging sa pagtugon sa pagbabago ng klima ng bansa.
“Sana marealize ng mga tao na napakalaking ambag ng Sierra Madre sa atin. Totohanin din sana ng Department of Environment and Natural Resources ang kanilang mandato na alagaan talaga ang kalikasan, at tayong lahat magtulung-tulong kasi ang buhay ng Sierra Madre ay buhay ng lahat,” pahayag ni Fr. Montallana sa Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Montallana na ang pagiging natural barrier ng Sierra Madre laban sa mga sakuna ang naghahatid ng kaligtasan sa mga tao dahil naiiwasan nito ang posibleng mga pinsalang dulot ng mga dumadaang bagyo sa bansa.
Samantala, hinihiling naman ng pari sa pamahalaan na muling pag-aralan ang mga binabalak na proyekto sa bahagi ng Sierra Madre lalo na ang Kaliwa Dam Project.
Sinabi ni Fr. Montallana na maliban sa negatibong epekto ng pagpuputol ng punongkahoy upang bigyang-daan ang Kaliwa Dam, nakaamba rin dito ang panganib ng aktibong Infanta fault line.
“It is almost seating eight kilometers lang ang layo sa Kaliwa dam. Imagine noong 1882, ang Infanta fault line which is part of the Philippine fault line, nasira ang Infanta. Ang mga simbahan pati ang katedral d’yan sa Maynila ay nasira din. Ganyan kalakas ang Infanta fault line kapag gumalaw,” saad ng pari.
Ang Sierra Madre na tinagurian bilang “the back bone of Luzon”, ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas na mayroong 500 kilometro ang haba at binabagtas ang mga lalawigan mula Cagayan hanggang Quezon.
Taong 2012 nang ideklara ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Save Sierra Madre Day upang paigtingin ang pangangalaga sa bulubundukin at alalahanin ang mga naging biktima ng matinding pagbaha dulot ng pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2009.