386 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-26 ng Setyembre 2022
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo, “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
Lukas 16:19-21
Alam na alam natin ang talinghagang ito na marahil isasaysay muli sa atin ni Kristo upang magising ating pagkatao, makilala sinu-sino mga tinutukoy nitong kuwento na walang iba kungdi tayo.
Tayo ang mayaman sagana sa pagpapala di lamang ng magagarang damit at gamit, pagkain at inumin kungdi ng biyaya ng buhay handog ng Maykapal na sawimpalad ay ating sinasarili, manhid sa kapwa sarili ang sa tuwina ay tama.
Mayaman tayo sa mga pagpapala ngunit hindi mabanaagan ni masilayan aliwalas nitong mukha, ipinagkakait mga ngiti sa labi, hindi mabati nakakasalubong upang mahawi lambong ng kalungkutan, mapawi pati mga sakbibi.
Ang tunay na mayaman Diyos ang kayamanan kanyang nababanaagan sa mukha ng bawat kapwa na kanyang pinahahalagahan kesa sa gamit o kasangkapan; hindi siya kailangang lapitan ni daingan sapagkat dama niya hirap at kapighatian ng nahihirapan.
Huwag tayong pakasigurado na tayo ay mabuting tao hindi tulad ng mayaman sa talinghaga ni Kristo sapagkat si Lazaro ang taong pinakamalapit sa iyo, nakalupasay, nariyan lang sa tabi mo nilalapitan ng aso maliban sa iyo.
Si Lazaro ang nanay at ginang ng tahanan tadtad sa sugat ang katawan mula sa paglapastangan ng mga anak at panloloko ng sariling esposo; ang mga lola at lolo rin si Lazaro na namumulot ng mumo ng pansin at kalinga mula sa mga apo.
Kung minsan si Lazaro yaong nagtatrabaho sa barko o malayong dako ng mundo gaya ni tatay o nanay, ate o kuya nasaan man sila, tanging pamilya ang nasa puso nila hindi alintana kanilang pagtitiis at pagpapagal winawalwal ng kanilang minamahal.
Sino nga ba ako sa talinghagang ito? Ang mayaman na manhid walang pakialam sa kapatid o si Lazaro nagtitiis ng tahimik walang imik sa kanyang sinapit tanging sa Diyos nakakapit nananalig sa Kanyang pagsagip upang langit ay masapit!