401 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapaliban sa barangay at Sangguniang Kabataan elections. Kung magiging ganap na batas ang House Bill No. 4673, isasagawa ang eleksyon sa mga barangay sa unang Lunes ng Disyembre 2023.
Bakit daw? Una, mas mainam daw na gamitin ang 8.4 bilyong pisong badyet para sa barangay at SK elections sa pagtugon pa rin ng gobyerno sa nagpapatuloy na pandemya. Ang postponement ay makatutulong din daw sa pagpapatuloy ng mga gawain sa mga barangay. Magbibigay din daw ito ng panahon upang maghilom ang bansa matapos ang masalimuot na eleksyon nitong Mayo.
Tutol sa panukalang batas ang Comelec. Dagdag na sampung bilyong pisong ang kakailanganganin kung ipagpapaliban pa ang barangay at SK elections nang isang taon. Para naman sa mga tinatawag na poll watchdogs, matatanggalan ang mga botante ng karapatang palitan na ang mga lider sa pinakamalapit na yunit ng gobyerno sa kanila.
Mayo noong taóng 2018 pa nang huling isinagawa ang barangay elections na ilang beses na ring ipinagpaliban. Ang barangay elections na gagawin dapat noong Oktubre 2016 ay inilipat sa Oktubre 2017, ngunit ipinagpalibang muli. Dapat na nagkaroon ng eleksyong pambarangay noong Mayo 2020 ngunit 2019 pa lang, pinirmahan na ni dating Pangulong Duterte ang batas na inililipat ang eleksyon sa Disyembre ngayong taon. Sa takbo ng mga pangyayari ngayon, mukhang mae-extend na naman ang panungungkulan ng mga kapitan at kagawad, gayundin ang mga SK officials.
Bilang pinakamalapit na gobyerno sa atin, ang pamahalaang barangay ang unang tumutugon—at dapat na tumutugon—sa mga pangangailangan ng ating mga pamayanan. Kapag usaping peace and order, nariyan ang mga tanod. Kapag may mga hindi pagkakaunawaan, nariyan ang lupong tagapamayapa. Kapag may mga nangangailangan ng karaniwang gamot, malalapitan ang barangay health center. At kung may mga okasyon, maaaring humiram ng mga tents, mesa, at upuan sa barangay. Pati nga sasakyan kapag may emergency, ang barangay ang unang takbuhan.
Bilang basic political unit sa Pilipinas, sa barangay din dapat nagsisimula ang makabuluhang pakikilahok nating mga mamamayan sa pamamahala. May itinatakda naman ang mga batas na panahon upang makasali ang mga mamamayan sa pagpaplano ng mga proyekto at programa ng barangay. Sa mga barangay assemblies, iniuulat din ng barangay sa kanilang mga nasasakupan kung saan-saan napunta ang pondong ipinagkaloob sa kanila. Sa mga gawaing ito, mahalagang matitino at marurunong ang mga namumuno. Kaya naman, nakalulungkot na tila ba hindi sineseryoso ng mga nasa pambansang pamahalaan ang pagbibigay sa mga mamamayan ng pagkakataong pumili ng mga lider sa barangay.
Ang pagpapahalaga sa pamahalaang barangay ay masasabi nating sang-ayon sa prinsipyo ng mga panlipunang turo na Simbahan na kung tawagin ay subsidiarity. Tumutukoy ang subsidiarity sa pagkilala sa mga lokal na pamayanan—kabilang ang mga barangay—na magpasya sa mga bagay na malapit sa kanila. Sabi nga sa Quadragesimo Anno ni Pope Pius XI, hindi makatarungan ang panghihimasok ng mga malalaki at matataas na organisasyon—katulad ng pambansang pamahalaan—sa mga bagay na magagawa naman ng mga maliliit at mabababang mga istruktura.
Mga Kapanalig, hindi maikakailang naging kasangkapan na ng ilang pulitiko ang mga barangay para sa kanilang pansariling interes. Kailangan bawiin ito ng mga mamamayan sa mga mapagsamantalang pulitiko sa pamamagitan ng paglahok sa pamahalaang barangay sa abot ng ating makakaya. Matuloy man o hindi ang barangay at SK elections ngayong taon, sanayin natin ang ating mga sariling subaybayan at bantayan ang kilos ng mga lider na pinakamalapit sa atin. Sa barangay pa lang, gaya ng nasasaad sa 1 Tesalonica 5:6, “kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip.”
Sumainyo ang katotohanan.